INILIPAT ng pwesto ang PNP Police Regional Office 5 director at dalawa pang star rank police officer sa muling pagpapatupad ng balasahan ni PNP chief, Gen. Dionardo Carlos.
Kamakalawa, nagsimula nang manungkulan sa kani-kanilang mga bagong posisyon sina dating Police Regional Office 5 Director P/BGen. Jonnel C. Estomo na itinalaga bilang bagong Deputy Director for PNP Logistics.
Si Estomo ay hinalinhan ni P/BGen. Mario Reyes na dating director ng Logistics Support Services (LSS), bilang bagong Bicol PNP chief.
Habang si dating Logistics Deputy Director P/BGen. Lorenzo Detran Jr. naman ang itinalaga bilang director ng LSS.
Nabatid na ibinaba ang relief order noong Sabado, April 23, 2022 at kamakalawa isinagawa ang change of office o turn-over ceremony.
Nabatid na muling nagpatupad ng balasahan ang pamunuan ng PNP matapos na maglabas ng re-assignment ang liderato ng PNP sa kanilang personnel na may mga kamag-anak na kandidato sa May 9, 2022 election.
Isang opisyal naman ang nagsabing maaaring temporary lamang ang pwesto na ibinigay kay P/BGen. Estomo at muli itong itatalaga bilang regional officer matapos ang eleksyon. (JESSE KABEL)
112