P2-M MARIJUANA SINUNOG SA BENGUET

UMABOT sa P2,080,000 halaga ng marijuana plants ang binunot at sinunog ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency sa nadiskubreng tatlong taniman ng marijuana sa Sitio Manggahan, Brgy. Kayapa, Bakun, Benguet kahapon.

Ayon sa ulat na nakarating sa tanggapan nI PDEA Director General Moro Virgilio Lazo, nagsagawa ng marijuana eradication operation ang kanilang mga operatiba mula sa PDEA RO I-Ilocos Norte Provincial Office (PDEA RO I-INPO), PDEA RSET, PDEA Seaport Interdiction Unit, PDEA La Union Provincial Office, PDEA Cordillera Administrative Region, Philippine Army 501st Infantry Brigade 5ID, 51st Division Reconnaissance Company, at Signal 1st Brigade Signal Support 5th Battalion, nang madiskubre nila ang naturang mga taniman na tinatayang may lawak na 1,550 square meters.

Sinasabing nasa 10,400 fully grown marijuana plants ang winasak ng mga awtoridad.

Walang marijuana cultivator na naaresto ang mga tauhan ng gobyerno mula sa nadiskubreng taniman ng marijuana.

Samantala, sa hiwalay na ulat, nagsagawa ang United States Drug Enforcement Administration (USDEA) Manila Country Office sa pakikipagtulungan ng US Embassy sa Pilipinas, ng isang orientation sa first aid para sa mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Main Conference Room ng PDEA National Headquarters sa Quezon City.

Layunin ng pagsasanay na ihanda ang 25 miyembro ng Medical and Rescue Team ng PDEA Disaster Control Group upang tugunan ang mga emergency at masiguro ang kaligtasan at kapakanan sa lugar ng trabaho.

Pinangunahan ng PDEA International Cooperation and Foreign Affairs Service (ICFAS), sa pamumuno ni Director Aileen Lovitos, ang pagsasanay na nagbigay-daan sa mga kalahok na tumugon sa mga sitwasyong nangangailangan ng agarang aksyon at ka­alaman sa pagligtas ng buhay. (JESSE KABEL RUIZ)

57

Related posts

Leave a Comment