P21-M SMUGGLED CIGARETTES NASABAT NG PHIL. NAVY, BOC

HAWAK na ngayon ng Bureau of Customs ang tinatayang P21 milyong halaga ng puslit na sigarilyo matapos masabat ng mga tauhan ng Philippine Navy ang isang motorized banca na may tatak na “Viking” na may lulang 422 master cases ng smuggled cigarettes sa Balut Island sa lalawigan ng Davao.

Ayon sa ulat na ipinarating sa tanggapan ni Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Toribio Adaci Jr., sinabat ng mga tauhan ng BRP Dioscoro Papa (PC 381), isa sa mga patrol craft ng Philippine Navy na naka-deploy sa Naval Forces Eastern Mindanao, ang bangka na gamit sa smuggling operation.

Ayon kay Commodore Alfonspin P. Tumanda, commander, Naval Forces Eastern Mindanao, ang BRP Dioscoro PAPA (PC 381) na nasa ilalim ng operational control ng Naval Task Force 71, ay kasalukuyang nagsasagawa ng maritime patrol operation nang masabat ang isang kahina-hinalang Jungkong Type motorized banca sa dagat sakop ng Balut Island.

Pitong Pilipinong tripulante ang inaresto at kinumpiska ang 422 master cases ng smuggled cigarettes na sinasabing ihahatid sa Digos City sa Davao del sur, ayon pa kay Comm. Tumanda.

Agad ibinigay ng Philippine Navy sa kustodiya ng Enforcement Security Service Customs Police Division (ESS-CPD) at Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) Bureau of Customs, Sub-Port of General Santos City, ang na-intercept na bangka at pitong crew nito para sa pagsasampa ng kaukulang kaso. (JESSE KABEL RUIZ)

36

Related posts

Leave a Comment