P6.3-T BUDGET PARA SA KAPRITSO NG PANGULO, MGA KAALYADO

LUMALAKI at lumalawak na ang galit ng sambayanang Pilipino dahil isinakripisyo ang kalusugan at edukasyon ng mga ito para sa kapritso ng political allies umano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“Nanawagan kami sa pamunuan ng Kamara at Senado na tugunan ang lumalaking galit ng publiko sa pamamagitan ng agarang muling pagtitipon ng bicameral conference committee,” ani ACT party-list Rep. France Castro.

Ayon sa mambabatas, habang idinedepensa ng mga kaalyado ni Marcos ang pagbokya sa subsidy ng Philippine Health Insurance Corp (PhilHealth) at pagtapyas sa pondo ng Department of Education (DepE) ay lalong lumalaki ang galit ng mga Pilipino.

Habang binawasan ang pondo ng mga serbisyong panlipunan ay pinalaki naman ang discretionary funds at pork barrel sa Bicameral conference committee na tinawag ng mambabatas na “Third Chamber”.

Hindi aniya makatao na inalis ang P74.43 billion subsidy ng PhilHealth at tinapyasan ng P10 billion ang budget ng DepEd habang dinagdagan ng P289 billion ang Department of Public Works and Highways (DPWH) kaya aabot na sa P1.1 trillion ang pondo ng ahensya.

Sa kabila aniya ng malawakang panawagan ng pananagutan sa confidential funds, imbes na bawasan ang P4.5 billion confidential at intelligence funds (CIF) ni Marcos ay pinalobo pa ito sa P5.4 billion.

“Tuloy, nangangamoy maling prayoridad ang badyet na ito. Sa halip na tiyakin ang pondo para sa edukasyon, kalusugan, at kabuhayan, pinili ng bicam na protektahan ang interes ng Pangulo at ng kanyang mga kaalyado. Ang pera ng bayan ay para sa bayan, hindi para sa bulsa ng iilan,” galit na pahayag ni Castro.

“Bakit patatabain pa ang bulsa ng Office of the President, e ang DOH at DepEd—ang mga ospital, rural health centers, at elementary at high schools at SUCs—ay uuhawin sa pondo?” dagdag pa nito.

7

Related posts

Leave a Comment