Pag-surrender ng prangkisa sapilitan SINDIKATO SA PUVMP

“GAWAING sindikato ito.”

Ganito ang paglalarawan ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) dahil pinupuntahan na umano ng isang grupo ang mga tsuper at operators para isurender ang kanilang prangkisa at piliting mag-consolidate.

Ayon sa mambabatas, isang affidavit of conformity ang dinadala sa bahay ng drivers at operators para papirmahan kasabay ng pananakot na hindi sila makakabiyahe kung ayaw pumirma at isurender ang kanilang prangkisa.

“Kitang-kita dito na sapilitan ang pagtulak ng franchise consolidation. Hindi dapat niloloko ang mamamayan para lang magpatupad ng patakaran. Gawaing sindikato ito. Meron kayang nakukuha ang mga ahente ng mapanakot na scam na to?,” ayon sa kongresista.

Lumalabas na walang alam ang mga transport official sa pinagdadaanan at pananakot sa mga jeepney driver at operators nang tanungin ang mga ito ng mga mambabatas sa pagdinig ng House committee on transportation sa nasabing isyu noong Miyerkules.

Naiyak naman ang tsuper mula sa Bacolod City na si Philip Borata matapos siya at tatlo pang kasamahan ay sampahan ng kasong carnapping matapos bawiin ang kanilang sasakyan na isinali sa kooperatiba na ang mga opisyales ay miyembro ng isang pamilya.

Ayon kay Borata, napilitan silang magconsolidate sa isang kumpanya dahil sa takot na hindi makabiyahe at gumastos ang mga ito tulad ng garahe subalit inaangkin na umano ng kumpanya ang kanilang mga sasakyan dahil hindi na ito nakapangalan sa kanila.

Dahil dito, sapilitang kinuha ng mga ito ang kanilang sasakyan sa lansangan habang bumibiyahe ngunit kinasuhan umano sila ng 38 counts of carnapping gayung pag-aari nila ang sasakyan at kinonsolida lang sa nasabing kumpanya.

Kinastigo naman ni Antipolo Rep. Romeo Acop, chairman ng nasabing komite ang mga transport officials partikular na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) dahil gumastos na umano ng P5.5 billion ang gobyerno sa nasabing programa mula noong 2017 subalit halos walang nagawa ang mga ito.

Ayon kay Acop, 10 porsyento pa lamang ang naaprubahang route plan habang 70 percent pa lamang ang na-consolidate na prangkisa sa nakaraang anim na taon.

“Tell me, if you are given five point five billion (pesos) ito lang ang ipinapakita niyo? Ten percent ng route rationalization, seventy percent ng consolidation. Kung hindi pa niyo tinakot hindi aabot sa porsyento ngayon,” ani Acop kay LTFRB chairman Teolifo Guadiz II.

Dismayado rin ang kongresista dahil kokonti lang umano ang modernize jeep na tumatakbo ngayon at karamihan ay minibus gayung ang minomodernisa ay ang mga tradisyunal na pampasaherong jeep.

(BERNARD TAGUINOD)

67

Related posts

Leave a Comment