PAKIKIRAMAY BUMUHOS SA PAGYAO NI MIKE ENRIQUEZ

BUMUHOS ang pakikiramay sa mga naulila ng beteranong broadcaster at host na si Mike Enriquez.

Kahapon, nagpaabot ng pakikiramay si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pamilya at mahal sa buhay ni Enriquez.

Nagbigay-pugay rin ang Pangulo sa dedikasyon ni Enriquez sa paglilingkod sa mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng kanyang “unbiased” na paghahatid ng balita at impormasyon.

“We are saddened by [the] news of the passing of veteran anchor Mike Enriquez, a pillar in our broadcasting industry. He dedicated his life to delivering unbiased news to the Filipino people,” ayon kay Pangulong Marcos sa kanyang official X account, dating Twitter.

“Our heartfelt thoughts are with his family and loved ones during this time,” dagdag na wika nito.

Maging si dating journalist at ngayon ay Presidential Communications Office Secretary Cheloy Velicaria-Garafil ay nagpaabot ng kanyang pakikiramay sa pamilya Enriquez. Nagbigay-pugay rin ito sa “remarkable contribution” ni Enriquez sa paghubog sa “unbiased journalism” sa bansa.

Aniya pa, si Enriquez ay maituturing na pillar of journalism.

Nagpahayag din ng pakikidalamhati ang ilang senador sa pagpanaw ng broadcaster.

Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, napakalaki ng legasiyang iiwan ni Manong Mike bilang isa sa mga pinaka pinagkakatiwalaang boses sa mundo ng pagbabalita.

Tiyak anyang mamimiss ng lahat ang gabi-gabi niyang boses na nagsasabing, “walang kinikilingan, walang pinoprotektahan, walang kasinungalingan, serbisyong totoo lamang.”

Sa kanya namang pakikiramay, inilarawan ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang broadcaster bilang boses ng katotohanan, mga kadahilanan at katapangan.

Sinabi naman ni Senador Lito Lapid na bilang naging haligi na ng broadcast industry, ang pagpanaw ni Mike ay napakalaking kawalan sa news and media industry.

Ibinahagi naman ni Senador Risa Hontiveros ang kanyang karanasan kasama si Mike Enriquez na inilarawan niyang
magiliw, marunong, at dignified na senior anchor nang magkasama sila sa GMA Network News noong 1990s.

Hindi anya matatawaran ang mga kontribusyon ng mamamahayag sa industriya ng broadcasting at news media sa Pilipinas bilang boses ng balita at komentaryo.

Idinagdag ni Hontiveros na walang makakalimot sa kanyang nakakaenganyong tinig at paraan ng paghahatid ng balita, na naging bahagi na ng ating pang-araw araw na buhay.

Samantala, sa paglalarawan ni House Speaker Martin Romualdez, hindi lamang GMA-7 network ang nawalan kundi ang buong industriya ng mamamahayag sa pagkamatay ni Enriquez.

“The industry and media network GMA-7 have just lost a broadcasting giant. The death of Mike Enriquez has left a void in the industry and in his beloved network his colleagues would struggle to fill. His absence will be felt for a long time,” ani Romualdez.

Ayon naman kay Deputy Speaker Ralph Recto, tiyak na mamimiss ng mga tao lalo na’t kasa-kasama nila ang boses nito sa loob ng bahay at sasakyan tuwing umaga sa paghahatid ng balita at pagtatanod sa bayan.

“His delivery of news and opinions on matters that hurt the people, in his trademark staccato fashion, was like the rapid fire demolition of excuses and alibis of the guilty,” ayon pa kay Recto.

“Ang pagpanaw ni Mike Enriquez, isa sa mga haligi ng radyo at telebisyon, ay isang malaking kawalan sa larangan ng pagbabalita at sa industriya ng broadcast media,” ayon naman kay Pinuno party-list Rep. Howard Guintu.

Si Enriquez ay binawian ng buhay sa edad 71 nitong Martes, Agosto 29.

(CHRISTIAN DALE/DANG SAMSON-GARCIA/BERNARD TAGUINOD)

223

Related posts

Leave a Comment