“I support the stand of the Dutertes, tama ang sinabi ni Mayor Baste na tamad ka, wala kang malasakit, o wala kang plano sa ating bayan, mag-resign ka na lang!”
Ito ang pahayag ni dating Negros Oriental, 3rd District Rep. Arnolfo “Arnie” Teves patungkol kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na inilabas sa isang istasyon ng telebisyon kamakailan.
Kasunod ito ng mga patutsada ni Davao City Mayor Sebastian ‘Baste’ Duterte laban kay Marcos.
Sinabi rin ng dating mambabatas na hindi “for sale” ang mga taga-Negros kung kaya’t hinikayat niya ang kanyang mga kababayan na pumirma sa People’s Initiative (PI) na agad bawiin ito.
Nanawagan din si Teves sa mga nasa gobyerno na asikasuhin ang sikmura ng mga Pilipino sa halip na mamulitika.
Anya, nahihirapan ngayon ang mga Pilipino sa sobrang mahal ng mga bilihin at serbisyo.
“Habang nangyayari ito, lahat ang dami sa ating mga opisyal ng gobyerno ay nagpapasarap lang ng buhay, nagbiyahe-biyahe, pa-New York, New York, pa-Europe, Europe lang gamit pa at gastos ang milyun-milyong pera ng taumbayan,” pahayag pa ni Teves.
“Papaabutin pa ba natin ito ng 6 years na magtiis tayo ng ganito?” banggit pa niya.
Nanawagan din siya sa AFP at PNP na protektahan ang mga Pilipino at ang Saligang Batas gaya ng sinabi ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa rally sa Davao City kasabay ng kick-off rally Bagong Pilipinas sa Luneta Park, Maynila noong Enero 28, 2024 na pinangunahan ng mag-asawang Pangulong Marcos at Liza Araneta.
Hindi na umuwi sa Pilipinas si Teves matapos akusahan na utak ng pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo ilang taon na ang nakalipas.
Naniniwala ang kampo ng dating mambabatas na hindi patas ang hustisya ng Pilipinas para sa kanya dahil pilit siyang idinadawit sa pamamaslang kay Degamo at iba pa.
Matatandaan na si Teves ay minarkahan ng gobyerno bilang terorista dahil sa pagdawit sa kanya sa mga patayan sa kanilang lalawigan.
(JOEL O. AMONGO)
337