PINOY MAS PABOR SA MILITARY ACTION SA WPS DISPUTE

NAIS igiit ng malaking bahagi ng adult Filipino kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang territorial rights ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS) sa pamamagitan ng military action, habang pumapangalawa naman ang diplomasya, ayon sa survey na isinagawa ng OCTA Research.

Sa resulta ng Tugon ng Masa (TNM) survey na isinagawa mula Marso 11 hanggang 14 at ipinalabas nitong Miyerkoles, mayroong 73% ng respondents ang nagpahayag na kailangang iprayoridad ng kasalukuyang administrasyon ang paghawak sa WPS sa pamamagitan ng military action, kabilang na rito ang pinalawig na naval patrols at presensya ng tropa sa pinagtatalunang lugar.

Ang March 2024 figure ay ‘one-percentage point increase’ mula sa 72% na naitala sa survey na isinagawa noong December 2023.

Ang Kalakhang Maynila ang may pinakamataas na porsyento ng mga Pilipino (85%) na mas nais tugunan ang mga usapin na may kinalaman sa labanan sa WPS sa pamamagitan ng military action.

Sinundan ito ng Mindanao na may 72%, Balance Luzon na may 71% at Visayas na may 70%.

Natuklasan din sa survey na ang diplomasya at iba pang mapayapang paraan ay pumapangalawa bilang preferred approach para sa epektibong pagtugon sa WPS issue na may 72% approval, na 2% ang itinaas mula sa 70% noong December 2023.

Sa kabilang ako, ang Kalakhang Maynila ang may pinakamalaking porsyento ng mga Pilipino na sumusuporta sa diplomasya para igiit ang territorial rights ng Pilipinas sa WPS, may 78% habang ang Balance Luzon ay mayroong pinakamababang bilang, 70%.

“It must be noted that this is the second time ‘asserting the Philippines’ territorial rights through military action’ as a priority measure overtakes the top-ranked measure in previous TNM surveys, which is ‘asserting the Philippines’ territorial rights through diplomacy and other peaceful methods,'” ayon sa OCTA.

Samantala, sinabi ng OCTA na mas pinili naman ng iba ang hakbang gaya ng pagsasagawa ng joint maritime patrol at exercises kasama ang mga kaalyado ng bansa, may 43% at pagpapalawak sa diplomatic efforts kasama ang mga bansa sa loob at labas ng rehiyon para mabawasan ang tensiyon sa lugar na may 32%.

Ang survey ay mayroong 1,200 respondents at margin of error na plus o minus 3%.

(CHRISTIAN DALE)

60

Related posts

Leave a Comment