(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
DAPAT igalang ng mga nasa pamahalaan dahil sagrado ang Article 3 Section 4 ng Bill of Rights.
Ayon ito kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte na dismayado sa patuloy umanong panggigipit sa Maisug Rally sa Dumaguete City, Negros Oriental, Martes ng gabi.
Matatandaang biglaang isinara ang Freedom Park kung saan dapat gagawin ang pagtitipon.
Ani Duterte, sagrado ang naturang batas na nagbibigay ng proteksyon sa sambayanang Pilipino sa paglalabas ng saloobin.
Noong Abril, hindi natuloy ang Maisug Rally sa Bustos, Bulacan matapos umanong bawiin ng may-ari ng lupa ang permiso para magamit ang venue ng pagtitipon. Kalaunan ay hinarangan ng trailer truck ang daan patungo sa lugar.
Bagama’t natuloy ang pagtitipon sa Cebu ay ilang beses din umano itong tinangkang pigilan.
‘Biglaan Kasi’
Kaugnay nito, nagpaliwanag ang lokal na pamahalaan ng Negros Oriental kung bakit hindi ipinagamit ang Freedom Park sa Maisug rally.
Sa isang liham na nilagdaan ni Atty. Arthur Tolcidas, Provincial Administrator ng Negros Oriental, ipinaliwanag niya na “very short notice” ang request letter ng grupo ng Kilusang Pagbabago Lead Organization Incorporated o KP-LOI at ng Transparency, Accountability, Peace and Security o TAPS.
Ayon sa sulat ni Tolcidas, na sa kasamaang palad, ang Pamahalaang Panlalawigan ay may nakaiskedyul na mga aktibidad sa parke simula Mayo 6, alinsunod sa pagdiriwang ng Centennial ng Capitol Building.
Kabilang dito ang maintenance at rehabilitasyon ng mga bakuran at istruktura na nangangailangan ng pansamantalang pagsasara “para sa kaligtasan ng publiko.
Ang temporary closure order ay inilabas noong Mayo 2, taong ito.
Kasabay nito, nagkaroon din ng pagbabasbas ng mga bagong heavy equipment units na nabili ng Pamahalaang Panlalawigan na para aniya sa sektor ng agrikultura at ipamamahagi sa iba’t ibang local government units.
Ipinaliwanag din nila na kahit para sa religious-related activities sa Freedom Park ng Kapitolyo, kailangang may charges para sa paggamit ng amenities na nakasaad naman sa isang provincial ordinance.
Binanggit pa ni Tolcidas na ang liham ng organizer ay walang return o contact address.
Sinabi naman ni Gobernador Manuel Sagarbarria na nagpapasalamat siya na hindi nagkaroon ng anomang kaguluhan sa kabila ng pagtanggi sa raliyista na gamitin ang Capitol Grounds.
(May dagdag na ulat si NILOU DEL CARMEN)
153