PINOY SEAFARERS TIYAKING LIGTAS SA TERROR ATTACKS

NABABAHALA na ang Kamara sa kaligtasan ng Filipino Seafarers dahil sa patuloy pag-atake ng mga rebeldeng Houthi sa commercial vessels na dumadaan sa Red Sea at Gulf of Adens.

Ginawa ni House committee on overseas workers affairs chairman Rep. Ron Salo ang pahayag matapos mamatay ang dalawang Pinoy seaman at dalawa pa nilang kababayan ang malubhang nasugatan sa missile attack ng mga rebelde sa sinasakyan nilang barko.

“We appeal to the United Nations, world powers and other international organizations to take prompt measures to deter any recurrence of such attacks. More than the economic toll that these attacks have caused, are the lives of innocent civilians, like our Filipino seafarers, at stake,” ani Salo.

Sinabi ng mambabatas na hangga’t hindi inaaksyunan ng buong mundo ang walang habas na pag-atake ng Houthi rebels sa mga barkong dumadaan sa nasabing karagatan ay marami pang seafarers, hindi lamang Pilipino kundi ibang lahi ang patuloy na manganganib ang buhay.

Base sa mga report, ang pag-atake ng Houthi ay bahagi ng kanilang paghihiganti sa Israel dahil sa giyerang inilunsad ng mga ito laban sa teroristang Hamas sa Gaza, Palestine.

“Ating ipinapanagawan din sa United Nations (UN), lalo na sa Security Council, na mamagitan sa pagbibigay ng seguridad sa mga barko na naglalayag sa mga rutang ito na siyang nakalaang baybayin sa pandaigdigang pangkalakalan,” ayon naman kay OFW party-list Rep. Marisa Magsino.

Dahil sa malagim na sinapit ng apat na Pinoy seamen na bahagi ng crew ng commercial ship na True Confidence, sinabi ni Salo na lalong kailangang maipasa na ang Magna Carta for Filipino Seafarers.

“Now, more than ever, the immediate enactment of the Magna Carta of Filipino Seafarers is paramount,” ani Salo.

Bahagi ng nasabing panukalang batas na mag-oobliga sa shipowners o manning agencies na huwag takasan ang kanilang responsibilidad at sagutin ang lahat ng bayarin sa pagpapauwi sa mga labi ng mamamatay na seaman at financial security sa mga ito.

(BERNARD TAGUINOD)

46

Related posts

Leave a Comment