(CHRISTIAN DALE/JULIET PACOT)
PINAWI ng Philippine National Police (PNP) ang pangamba ng publiko sa mga napaulat na bomb threat sa ilang lugar sa bansa.
Nauna nang sinabi ng PNP na batay sa kanilang monitoring ay hindi lamang dito sa Pilipinas nagpapadala ng bomb threat via email kundi maging sa iba ring mga bansa.
Kaugnay nito, nakikipag-ugnayan na ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa Japanese government para magsagawa ng masusing imbestigasyon kaugnay sa panloloko lamang na bomb threats na natanggap ng ilang ahensya ng pamahalaan at paaralan sa Pilipinas.
“Efforts are now on the way to request the Japanese government to investigate thoroughly and identify the sender,”ayon sa kalatas ng CICC, ilang oras matapos na makatanggap ng bomb threat ang anim na ahensya ng gobyerno at local government units (LGUs).
Kabilang sa mga ahensya na nakatanggap ng bomb threats ang Department of Education (DepEd) division office sa Bataan, lokal na pamahalaan ng Iba sa Zambales province, at Department of Environment and Natural Resources (DENR) head office sa Quezon City.
Winika ng CICC na ang email na natanggap na tila naglalaman ng bomb threats ay nagmula sa Japan. Ito ay mayroong locally registered domain name na tumama rin sa ilang ahensya ng pamahalaan sa Seoul, South Korea.
“There is no cause for alarm as this sender and email has been tagged as hoax,” ayon sa CICC.
Idinagdag pa nito na kahalintulad ng bomb threats ang tumama naman sa ilang ahensya ng pamahalaan noong nakaraang taon.
Gayunman, nilinaw ng CICC na ang mga apektadong ahensya ng pamahalaan ay pinayuhan na gawin ang kani-kanilang emergency evacuation procedures bilang bahagi ng kanilang “preparedness efforts at emergency protocols.’
NBI pasok
Samantala, iniutos ng Department of Justice (DoJ) sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang banta ng bomba na ipinadala sa pamamagitan ng email at text messaging.
Nakagambala nitong Lunes sa mga operasyon ng hindi bababa sa pitong tanggapan ng gobyerno at dalawang paaralan sa Metro Manila, Bataan at Zambales ang mga banta ng pagbomba.
Ang mga pananakot ay kagagawan umano ng isang indibidwal na nagpakilalang abogado ng Japan.
Ang parehong suspek ay responsable sa mga katulad na pagbabanta ng bomba sa mga establisimyento ng gobyerno noong Setyembre at Oktubre ng nakalipas na taon.
Isang nagpakilalang Takahiro Karasawa ang gumamit ng parehong email upang magpadala ng mga mensahe ng pagbabanta ng bomba.
Sa Quezon City, nagpadala ng mga bomb threat sa opisina ng National Housing Authority, Commission on Audits, Department of Environment and Natural Resources, Philippine Competition Commission at Power Sector Assets and Liabilities Management.
Nakatanggap din ng bomb threat ang DOST sa Bicutan, at Insurance Commission sa Ermita, Manila.
Gayundin sa Panghulo Elementary School sa Malabon at Pasig Elementary School sa Brgy. San Nicolas.
Inilikas ang mga tao sa lugar pero sa pagsusuri ay negatibo lahat ang bomb threat
Bomb Threat sa Probinsya
Maging sa lalawigan ng Cavite at Quezon ay may iniulat ding bomb threats kahapon.
Idinaan umano sa isang tanggapan sa loob ng Cavite Economic Zone Authority (CEPZA) sa Brgy. Tejeros Convention, Rosario, Cavite ang pananakot, alas-10:06 ng umaga.
Agad rumesponde ang Rosario Municipal Police Station at base sa inisyal nilang imbestigasyon, ang electronic mail na naglalaman ng pagbabanta ay nagmula sa isang Takahiro Karasawa.
Samantala, tinutunton pa ng mga awtoridad ang pinagmulan ng bomb threat sa tanggapan ng Social Security System (SSS) sa Lucena City, Lunes ng hapon.
Ayon sa Lucena City police, dakong alas 4:00 ng humingi ng tulong ang OIC – chief security ng SSS – Lucena branch na nasa grand central terminal sa Brgy. Ilayang Dupay Lucena City, hinggil sa pagbabanta na may bombang sasabog sa establisimyento.
Idinaan ang pagbabanta sa e-mail na natanggap ng branch manager na si Sherlie Calusin mula sa isang anonymous sender.
(May dagdag na ulat sina SIGFRED ADSUARA at NILOU DEL CARMEN)
129