POULTRY PRODUCTS NG BELGIUM AT FRANCE BAN MUNA SA PINAS

IPINAGBAWAL ng gobyerno ng Pilipinas sa pamamagitan ng Department of Agriculture (DA) ang importasyon ng manok at iba pang poultry products mula Belgium at France sa gitna ng outbreak ng bird flu sa mga nasabing bansa.

Sinabi ng DA na ang poultry ban ay ipinalabas kasunod ng pag-uulat ng Belgium at France ng kani-kanilang outbreaks sa Highly Pathogenic Avian Influenza (HPAI) sa domestic birds sa World Organization for Animal Health (WOAH).

Tinuran pa ng departamento na ang Belgium at France, nagsi-share ng border, halos magkasabay na nag-ulat ng bird flu outbreak sa domestic birds sa WOAH.

Sa katunayan, isinumite ng Belgium ang report nito noong Disyembre 1, 2023, habang ang France naman ay nagsumite noong Nobyembre 30, 2023.

Winika ng Agriculture Department na ang pagbabawal sa poultry at poultry products mula sa dalawang nabanggit na bansa ay kailangan para mapigilan ang posibleng pagpasok ng HPAI-H5N1 sa Pilipinas.

Sakop ng ‘ban’ ang pagkuha kapwa ng domesticated at wild birds at maging ng poultry products kabilang na ang “poultry meat, day-old chicks, hatching eggs, at poultry semen” mula sa Belgium at France simula nitong Enero 8, 2024.

Sinabi ng DA na magpapatuloy ang ‘import bans’ maliban na lamang kung babawiin ng departamento.

(CHRISTIAN DALE)

51

Related posts

Leave a Comment