TRASLACION 2024 MAAYOS, PAYAPA

PAYAPANG naidaos ang taunang Traslacion ng Itim na Nazareno kahapon bagaman hindi pa rin naiwasan ang mga nasaktan at pagkakaroon ng basura.

Agad namang naglinis ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Metro Parkways Clearing Group sa Quirino Grandstand matapos ang “Pahalik” at Misa Mayor.

Karamihan sa mga basurang nakolekta ng MMDA ay mga pinagkainan ng mga deboto at plastic bottles.

Umabot naman sa daan-daang deboto ang nilapatan ng paunang lunas ng mga tauhan ng Philippine Red Cross (PRC) makaraang maipit sa buhos ng mga deboto na sumama sa prusisyon.

Sa ulat ng PRC kahapon, bandang alas-11:00 ng umaga, nasa 380 indibidwal na ang kanilang natulungan sa kahabaan ng prusisyon.

Sa bilang na ito, sinuri ng PRC ang vital signs ng 155 indibidwal. Nakapagtala rin ng 135 minor cases at limang major cases.

Sa mga inilipat sa PRC Emergency Field Hospital, ilan sa ininda ng mga deboto ang lagnat, ubo, pagkahilo, panghihina, pagsusuka, ankle sprain, chest pain at pamamanhid.

Pananakit ng tiyan naman ang ininda ng isang buntis na agad dinala sa isang medical facility.

Ayon sa PRC, nasa 10 First Aid Stations; 8 Welfare Desks at isang Emergency Field Hospital ang kanilang inilatag para sa Traslacion.

Nagpakilos din ito ng 319 indibidwal at 13 ambulansya, fire truck at rescue boat na naka-standby.

Sa pagtaya ng mga Hijos na humahatak sa andas, bandang alas sais ng gabi ay naibalik na sa Simbahan ng Quiapo ang Imahe ng Nazareno.

(JESSE KABEL RUIZ/JOCELYN DOMENDEN)

57

Related posts

Leave a Comment