RAID SA MGA BODEGA VS HOARDERS TULOY-TULOY

INATASAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Bureau of Customs (BOC) na ipagpatuloy lamang ang sorpresang pagsalakay sa mga warehouse o bodega para tugunan ang usapin ng hoarding at illegal rice importation.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio na ang direktiba ni Pangulong Marcos sa BOC ay para i-validate ang lahat ng warehouse na nag-iimbak ng imported rice at kagyat na magpalabas ng letters of authority para inspeksyunin ang mga nasabing warehouse.

“We will be conducting more inspections of these warehouses. The inspection and visitation will be coordinated with other agencies like the DA (Department of Agriculture) and DTI (Department of Trade and Industry),” ayon kay Rubio.

Nito lamang Agosto 25, sinabi ng BoC na pansamantala nitong kinandado at binantayan ang tatlong warehouse na matatagpuan sa loob ng Intercity Industrial Complex sa Balagtas, Bulacan, napaulat na nagtatago ng smuggled rice na nagkakahalaga ng P505 milyon.

Ani Rubio, ang mga may-ari ng bodegang ito ay binigyan lamang ng hanggang Setyembre 8 para magpakita ng “proof of payment” ng duties at taxes para sa rice importation.

“Pag hindi nakapagbigay ng correct payment of duties and taxes, magkakaroon ng issuance of warrant of seizure and detention na magbibigay ng authority para ikumpiska ang imported articles stored in the warehouses,” aniya pa rin.

Ang mga naturang warehouse ay naglalaman ng 202,000 sako ng imported rice grains na napaulat na nagmula pa sa Vietnam, Cambodia, at Thailand.

Tinuran ni Rubio na hindi siya makapagbigay ng konklusyon kung ang nabanggit na produkto na nakaimbak sa warehouse ay intensyong itago.

(CHRISTIAN DALE)

113

Related posts

Leave a Comment