RESORT SA CHOCOLATE HILLS IIMBESTIGAHAN NG KONGRESO

KAPWA isasalang sa imbestigasyon sa mababa at mataas na kapulungan ng Kongreso ang kontrobersyal na resort na itinayo sa paanan ng Chocolate Hills sa Bohol.

Ayon kay ACT party-list Rep. France Castro, maghahain ang kanilang grupo ng resolusyon para atasan ang mga kinauukulang komite sa Kamara partikular na ang House committee on environment and natural resources na magsagawa ng imbestigasyon.

“Paanong nakalusot ang resort sa paanan ng Chocolate Hills eh isa itong UNESCO World Heritage site?,” tanong ni Castro.

Bukod dito, isang National Geological Monument ng bansa ang Chocolate Hills at isinailalim ito bilang protected area ni dating Pangulong Fidel Ramos noong 1997 na nangangahulugan na hindi ito maaaring pagtayuan ng mga istraktura at establisimyento.

Nabuko ang resort nang i-feature ito sa social media na naging dahilan para mag-viral ito.

Base sa pinakahuling impormasyon, nag-iimpake na ang mga empleyado ng resort dahil pansamantalang titigil ang operasyon nito matapos malaman na wala itong environment compliance certificate (ECC) mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Sinabi ni Castro na bukod sa local officials na nagbigay ng permit sa pagtatayo at pag-ooperate ng resort ay posibleng may pananagutan ang DENR dahil hindi nila nabantayan ang Chocolate Hills.

Ang hinala ni Castro ay tila may “pattern” na nangyayari na umaatake o sumisira sa mga protected area ng bansa tulad ng Chocolate Hills at Masungi Georeserve.

Sinabi naman ni Bohol Rep. Elexie Tutor na sa ngayon ay nagsasagawa na ng imbestigasyon ang lokal na pamahalaan ng lalawigan.

Sa Senado, nais din ni Senador Nancy Binay na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa mga nagsulputang istruktura sa paanan mismo ng Chocolate Hills.

Sa kanyang Senate Resolution no 967, nais ni Binay na busisiin ng kaukulang komite ng Senado ang pagtatayo ng Captain’s Peak Garden and Resort na naglagay ng cottages at water slides para sa pool sa paanan at gilid mismo ng Chocolate Hills gayundin ang isa pang resort na Bud Agta malapit sa lugar.

Ipinaalala ni Binay na tungkulin ng Senado na protektahan at panatilihin ang natural, biological, at physical diversities ng kalikasan lalo na ang mga lugar na biologically unique para mapanatili ang human life.

Partikular na nais tukuyin sa imbestigasyon ang naging paglabag sa anomang batas, ang clearing operations para sa access road sa resort at ang mismong konstruksyon ng mga istruktura at kung sino ang dapat managot dito.

Layun din ng imbestigasyon ang mapangalagaan ang protected area at major tourist attraction sa Bohol.

Sa pahayag ng Department of Tourism (DOT), ang Captain’s Peak Resort ay hindi accredited tourism establishment at wala ring pending application para sa accreditation nito.

Ang ahensya sa pamamagitan ng kanilang Regional Office sa Central Visayas, ay nakipag-ugnayan sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bohol mula Agosto 2023 upang ipahayag ang kanilang mga alalahanin hinggil sa bagay na ito lalo na ang pagkilala sa pangangailangang pangalagaan ang integridad ng likas na yaman.

“The DOT likewise commends the Department of Environment and Natural Resources (DENR) for taking swift action in issuing a Temporary Restraining Order and ordering for an inspection to ensure the resort’s compliance to the order, and agrees with the Bohol Provincial Government’s position that development within the Chocolate Hills area are not consistent with its long-term sustainability, and should be disallowed,” bahagi pa ng pahayag ng DOT.

(BERNARD TAGUINOD/DANG SAMSON-GARCIA/JOCELYN DOMENDEN)

86

Related posts

Leave a Comment