SMNI ‘DI PAG-AARI NI QUIBOLOY? SOLON ‘DI KUMBINSIDO

HINDI nakumbinsi si Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas na hindi pag-aari ni Apollo Quiboloy ang Sonshine Media Network International (SMNI), na iniimbestigahan ngayon sa Kamara kaugnay ng posibleng paglabag sa kanilang prangkisa.

Samantala, muling itutuloy ng House Committee on Legislative Franchises, na pinamumunuan ni Paranaque Rep. Gus Tambunting, ang pagdinig sa SMNI franchise bukas, Martes.

Ayon kay Brosas, maraming naniniwala na si Quiboloy ang may-ari ng SMNI subalit sa pagdinig ng komite kamalawa ay itinanggi ng mga abogado ng network na ang lider ng Kingdom of Jesus Christ ang may-ari nito.

Dahil dito, kailangan aniyang laliman pa ang imbestigasyon para malaman kung sino ang nagmamando sa SMNI at lalong dapat panagutin aniya ang SMNI dahil pinapayagan ng network na magkaroon ng programa si Quiboloy na nahaharap sa kasong sex trafficking of children sa United States (US).
Si Quiboloy ay co-host ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa programang “Gikan sa Masa, Para sa Masa” ng SMNI.

“Nakakabahala na meron siyang programa gayung may kinakaharap siyang sex child trafficking case sa US at wanted siya sa FBI (Federal Bureau of Investigation),” ani Brosas.

3 taon nang red-tagger

Sinabi naman ni ACT Party-list Rep. France Castro, tatlong taon nang red-tagger umano ang programa sa SMNI na “Laban Kasama ang Bayan” kung saan kapwa host sina Lorainne Badoy at Jeffrey Celiz, na pawang hindi aniya accredited member ng Kapisanan ng mga Broadcaster ng Pilipinas (KBP).

“Tatlong taon na ang programang ito at tatlong taon na rin ‘yung patuloy na red-tagging, vilification sa amin, sa mga miyembro ng Makabayan bloc, kaya dapat nang matigil ang ganitong programa na ineere sa SMNI,” ani Castro.

Idinagdag din ni Castro na nagpapanggap na news outlet ang SMNI subalit ang trabaho ng mga ito ay magpakalat ng mga maling impormasyon dahil bukod sa inilalagay umano ng mga ito sa panganib ang buhay ng mga taong target ng mga ito, ay nalilinlang ng mga ito ang kanilang viewers kaya dapat nang matigil at mapanagot ang mga ito.

(BERNARD TAGUINOD)

101

Related posts

Leave a Comment