SEN. BATO SPOILER NG PEACE TALKS?

ITINUTURING ng Makabayan bloc sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na “spoiler” o panira sa peace talks sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) at Communist Party of the Philippines-New People’s Army -National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) si Sen. Ronald “Bato’ dela Rosa.

Ginawa nina ACT party-list Rep. France Castro at Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas ang pahayag matapos ang patuloy na pangre-red tag umano ni Dela Rosa sa mga kabataang aktibista partikular na sa kanilang kasamahang si Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel.

Noong Biyernes ay itinuloy ni Dela Rosa ang imbestigasyon hinggil sa sinasabi niyang recruitment activities umano ni Manuel para sa CPP sa mga educational institution na ayon kay Castro ay ginawa dahil sa pagsusulong ng kanilang grupo na makipagtulungan ang gobyernong Marcos sa International Criminal Court (ICC) at pagbuhay sa peace talks.

“Ito (imbestigasyon ni Dela Rosa), ay nakikita natin na spoiler of peace negotiations. Sa ganitong mga hearing ay nagiging spoiler na ito,” ani Castro.

Tulad aniya ng lahat, pabor ang mga ito na ituloy ang peace talks na pinutol ni dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil ito lamang ang paraan para makamit ang matagal nang minimithing kapayapaan sa bansa.

Gayunpaman, nakadududa na habang binubuksan muli ng gobyerno ang pintuan ng peace talks ay nagsasagawa aniya ng ganitong imbestigasyon si Dela Rosa.

Sinabi naman ni Brosas na hindi katanggap-tanggap na ginagamit ni Dela Rosa ang Senado para guluhin ang usapin sa ICC cooperations para imbestigahan ang war on drugs kung saan sangkot ang senador.

(BERNARD TAGUINOD)

89

Related posts

Leave a Comment