SUPLAY NG KURYENTE SA LUZON NAGHINGALO; NGCP NAGKASA NG RED ALERT

MATAPOS ang anim na taon na walang solusyon sa problema sa industriya ng enerhiya, patuloy na sumadsad ang suplay ng kuryente sa Luzon na nagtulak upang magdeklara ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ng Yellow at Red alerts nitong Lunes.

Inanunsyo ng NGCP na kulang ang suplay kaya naka-Red alert mula 1:00 ng hapon hanggang 4:00 ng hapon, at kasama nito ang posibilidad na magkaroon ng brownouts sa iba’t ibang bahagi ng Luzon.

Sinisi ng grid operator ang hindi nakaplanong outage ng pitong planta at derated na kapasidad ng tatlo pang planta na katumbas ang nawalang mahigit 3,600 MW na suplay sa Luzon. Kapos na nga ang ibinubugang kuryente ng mga planta, karamihan pa sa mga ito ay luma na at madalas magkaproblema.

Sa isang panayam, sinabi ni NGCP Spokesperson Cynthia Alabanza na magpapatuloy pa ang Red Alert hanggang 8:00 ng gabi dahil mas marami pa daw plantang nagkakaproblema bagamat umaasa ang NGCP na makakabalik rin agad ang ilan sa mga ito.

Ilan sa mga lugar na nabawasan ng rasyon ng kuryente ay sakop ng Ilocos Norte Electric Cooperative, Benguet Electric Cooperative, Cagayan II Electric Cooperative, Angeles Electric Cooperative, First Laguna Electric Cooperative, Manila Electric Company (MERALCO), Quezon I at II Electric Cooperative, Camarines II Electric Cooperative, at Albay Electric Cooperative.

Nasa listahan din ng NGCP ang Pampanga Rural Electric Service Cooperative, Pampanga I Electric Cooperative, Ilocos Sur Electric Cooperative, Isabela I at II Electric Cooperative, at Sorsogon I Electric Cooperative.

Hindi pa natutukoy ng NGCP ang dahilan kung bakit nagkasabay-sabay ang pagpalya ng mga planta, pero matatandaang nagkaroon na rin ng automatic load dropping (ALD) at maikling brownout sa prangkisa ng MERALCO nito lamang araw ng Linggo matapos ang biglang pagpalya ng linya kung saan nakakabit ang Sual at Masinloc power plants sa Pangasinan.
Sa pahayag naman ng MERALCO nitong Lunes, sinabi nito na nakahanda ang mga customers nito sa ilalim ng interruptible load program (ILP) na tumulong upang hindi magkaroon ng brownouts sa mga lugar na sakop ng MERALCO.

“Mayroong kaming total capacity na mahigit 260 MW sa ilalim ng ILP, kung saan ang malalaking customers naming kagaya ng malls ay pansamantalang gumamit ng sariling generator sets habang naka-red alert upang makabawas sa demand at maiwasan ang pagkakaroon ng power interruptions,” sabi ni Joe Zaldarriaga, tagapagsalita ng MERALCO.
“Nakahanda rin kami kung sakaling patuloy ang kukulangin ang suplay at kakailanganin na talagang magpatupad ng rotating power interruptions. So far, wala pa naman kaming customers na naapektuhan,” dagdag pa ni Zaldarriaga.

Panawagan naman ng NGCP, maging masinop sa paggamit ng kuryente. Kasama na rin ang babala na maaaring maulit ito kung hindi bubuti ang sitwasyon sa Luzon grid.
Ngunit ang problemang ito ay tila paulit-ulit na nangyayari dahil sa matagal nang problema sa bansa na kakulangan sa suplay at reserba na matagal nang natukoy pero hanggang ngayon ay hindi pa rin nabibigyan ng pangmatagalang solusyon.

328

Related posts

Leave a Comment