TAUMBAYAN ‘DI POLITIKO BAYANI NG 1986 EDSA

TRENDING topic kahapon ang paggunita sa ika-38 EDSA People Power revolution.

Hindi man idineklarang holiday ng Malacanang, nagdaos ng kanilang programa ang iba’t ibang grupo upang ipaalala ang diwa ng EDSA sa bawat isa.

Kasabay nito, ipinaalala rin ng netizens na taumbayan at hindi mga politiko ang totoong bayani ng naturang bloodless revolution.

Dapat anilang tandaan na ang katapangan ng mga Pilipino ang nagsilbing susi para mapatalsik ang diktadurang Marcos Sr.

Ilan sa mga komento sa X, ay:

“Today, let us commit to honor the real heroes of EDSA, the millions of Filipinos who bravely stood up against tyranny, oppression, and corruption.

Together, let us honor and thank all of those who rose up during Martial Law and EDSA for all the freedoms we enjoy today.”

“Ang EDSA People Power 1 ay kwento ng mamamayang Pilipino.

Ito ay kasaysayan, tagumpay, simbolo ng bayan.

Today, let us remember the heroism of the people who showed its power in Feb 1986. Let us remember the martyrs who made People Power possible.”

BBM ‘Di Para sa Inang Bayan

Samantala, hindi para sa inang bayan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at kanyang mga kasabwat sa gobyerno dahil sa itinutulak nilang pagbabago sa 1987 Constitution na bunga ng EDSA People Power Revolution.

Ito ang sigaw ng grupong Gabriela sa paggunita sa ika-38 anibersaryo ng EDSA kahapon na muling naging matingkad dahil sa Charter change (Cha-cha) na pangunahing agenda ngayon ng Kongreso.

“Sa pagtutulak ng gobyerno sa Cha-cha, lalo lamang lumalantad si Marcos Jr. at ang mga politikong negosyante na silang mga nasa gobyerno ay hindi para sa inang bayan, kundi para sa dayuhan!” deklara ni Gabriela Secretary-General Clarice Palce.

Ayon naman kay Rep. Arlene Brosas, hindi na mga Pilipino ang magmamay-ari ng Pilipinas lalo na sa mga lupain kapag nagtagumpay si Marcos na amyendahan ang Saligang Batas kundi mga dayuhan dahil magkakaroon na sila ng 100 percent ownership.

Bukod dito, tiyak na dadami ang military bases sa bansa dahil hindi lang Amerika ang papayagang magtayo ng kanilang mga kampo kundi ang ibang bansa.

Ngayong araw (Lunes) sisimulan ang deliberasyon sa Resolution of Both Houses (RBH) No. 7 kasabay ng pag-convert sa kapulungan bilang Committee on the Whole, ayon kay Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr.

Target ng komite na magkaroon ng tatlong pagdinig kada linggo at mapagtibay ang nasabing resolusyon sa loob ng tatlong linggo o bago ang recess ng Kongreso simula sa Marso 22, 2024 para sa Semana Santa.

(BERNARD TAGUINOD)

25

Related posts

Leave a Comment