SIBUYAS ONLINE POSIBLENG SMUGGLED

PINAIIMBESTIGAHAN ng isang kongresista ang umano’y smuggled na sibuyas na ibinebenta online sa murang halaga dahil hindi lang pinapatay nito ang lokal na pagsasaka kundi nilalagay rin sa panganib ang kalusugan ng publiko.

Sa House Resolution (HR) 1600, na inakda ni Agri party-list Rep. Wilbert Lee, inatasan nito ang House committee on agriculture and food na magsagawa ng imbestigasyon dahil sa paglaganap muli ng smuggled onion sa bansa.

“May mga nagreklamo na po sa atin na local onion farmers na nalulugi na sila dahil sa mababang farmgate price ng kanilang produkto. Nangangamba sila na lalong hindi mabebenta ang kanilang ani dahil sa nabibiling murang smuggled na sibuyas online,” ayon sa mambabatas.

Base sa report ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) bumagsak na sa P28 kada kilo ang farmgate price ng sibuyas.

Nabatid na P25 kada kilo lamang ang bentahan ng sibuyas sa online kaya ito ang tinatangkilik hindi ang mga lokal na produkto.

“Sa kabilang banda, meron na ring nagreklamo sa atin na nakabili online, at yung dumating sa kanila ay hindi maganda ang kalidad, yung iba ay nabubulok na. Hindi naman nila maisoli. DA (Department of Agriculture) na rin ang nagreport na may mga nakumpiska silang smuggled onions noon na may E. coli. ‘Pag smuggled kasi, hindi po ito dumaan sa phytosanitary tests o mga pagsusuri,” ayon pa sa kongresista.

Dahil dito, pinaalalahanan ng mambabatas ang mga bumibili ng sibuyas online na ang matitipid nila ay kulang pa sa pagpapagamot kapag sila ay nagkasakit.

Isa rin aniya ang isyung ito para amyendahan ang Republic Act No. 10845 o “Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016” para bigatan ang parusa sa agricultural smugglers, hoarders, price manipulators, cartels at government officials and employees na nakikipagsabwatan sa pribadong negosyante para isabotahe ang ekonomiya.

(BERNARD TAGUINOD)

58

Related posts

Leave a Comment