TRANSPORT PROBLEM BIGONG MARESOLBA

PATUNAY ng patuloy na problema sa sektor ng transportasyon ang paulit-ulit na jeepney strikes ng mga tsuper at operator.

Ito ang pahayag ni Senate committee on public services chairperson Grace Poe kasabay ng pagsasabing may mga valid na tanong ang mga tsuper kaugnay sa jeepney modernization program na kailangang resolbahin.

Kabilang dito ang presyo ng modernong sasakyan, ang source ng funding at mga ruta.

Wala naman anyang tsuper ang ayaw magkaroon ng bagong jeepney na aircon, mas bago at environment-friendly subalit ang tanong anya ay kakayanin bang bayaran ang jeepney na higit isang milyon ang halaga.

Babala pa ng senador na maaaring magkaroon ng kakulangan sa masasakyang jeepney ang ating mga kababayan kung hindi makakabili ng sapat na units ang kooperatiba o korporasyon na mamamahala rito.

Ipinaalala rin ng mambabatas na hindi madaling mag-strike dahil may pangambang kasuhan, walang kitang iuuwi sa pamilya at makakaabala sa ating mga pasahero.

Kaugnay nito, iginiit ni Poe sa mga opisyal ng transportasyon na hindi pa huli ang lahat upang makinig sa hinaing ng mga driver at operator.

BBM Takot – Kabataan

Samantala, para sa grupo ng mga kabataan, ipinakita lamang ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang kanilang pagkatakot sa malawakang welga kaya nag-deploy ang mga ito ng napakaraming pulis sa lansangan sa unang araw ng transport strike kahapon.

Pumalag ang grupo ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel dahil sa deployment umano ng sandamakmak na pulis na itinapat sa mga tsuper at operator.

“Daan-daan ang mga pulis na nakapila sa kahabaan ng University Ave., habang maraming police truck ang nakaparada na puno ng shield at pamalo. Mayroon ding nakapirmis na bomb squad at hanay ng SWAT na may hawak na mga high-powered rifle,” ayon sa grupo ni Manuel.

Kahapon ay sinimulan ng Manibela at iba pang transport grupo ang 3 araw na welga laban sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) dahil mangangahulugan umano ito ng pagkawala ng hanapbuhay ng mga tsuper at maliliit na operators na hindi magko-consilidate ng kanilang prangkisa sa isang kooperatiba o korporasyon.

Sinuportahan ng mga kabataang estudyante na kinakatawan ni Manuel ang transport strike subalit imbes na hayaan ng gobyerno ay mas marami pa ang pulis na itinapat sa mga welgista.

“Desperadong taktika ito para sindakin ang diwang palaban ng mga tsuper. Pero sa katunayan takot na takot naman si Marcos sa welga ng mamamayan para ibasura ang makadayuhan at makakorporasyong PUV Modernization Program,” ayon pa sa grupo ni Manuel.

Samantala, bagama’t suspendido ang klases dahil sa init ng panahon, naramdaman pa rin ang epekto ng transport strike matapos mahirapan ang mga commuter dahil kokonti ang PUJ na bumiyahe.

Sa Commonwealth Avenue sa Quezon City, agawan ang commuters sa iilang jeep na bumiyahe at walang ibang sinisisi si Manuel dito kundi ang PUVMP na itinuloy pa rin ni Marcos kahit mangangahulugan ito ng pagkawala ng hanapbuhay ng mga tsuper at maliliit na operators.

(DANG SAMSON-GARCIA/BERNARD TAGUINOD)

66

Related posts

Leave a Comment