Maraming batas na nilalabag SABWATAN NG MGA DOKTOR AT PHARMA COMPANIES

NANINIWALA si Senate President Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri na maraming batas ang nilabag ng mga doktor na sinasabing kasabwat ng pharmaceutical companies sa pagrereseta ng gamot sa mga pasyente.

Dahil dito, nagpahayag ng suporta si Zubiri sa resolusyon ni Senador JV Ejercito na nagsusulong ng pagsasagawa ng imbestigasyon sa isyu na kinasasangkutan ng pharma companies at mga doktor.

Ayon kay Zubiri, labag ito sa Generics Law at Cheaper Medicines Act para sa mga doktor sa mga private hospital habang dagdag pa na paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act para sa mga doktor sa government hospitals.

Aminado ang Senate leader na nabahala rin siya nang lumabas ang balita dahil nawalan na ng pagkakataon ang mga pasyente na makapili ng mas murang gamot.

Wala anyang magawa ang mga pasyente kundi sumunod kung anoman ang ireseta sa kanila ng mga doktor kahit napakamahal.

Una nito ay ibinulgar ni Dr. Tony Leachon na ilang doktor sa Metro Manila at sa mga probinsya ang kasabwat ng mga pharmaceutical companies.

Tumatanggap umano ang mga doktor ng mga pabuya gaya ng biyahe sa abroad, mamahaling kotse, condominium at iba pa kapalit ng pagreseta sa mga gamot ng kanilang mga kasabwat na kompanya ng gamot.

(DANG SAMSON-GARCIA)

43

Related posts

Leave a Comment