Wage increase malabo OBRERO NGANGA SA MAYO UNO

(BERNARD TAGUINOD)

WALANG matatanggap na regalo ang mga manggagawa sa darating na Labor Day sa Mayo Uno dahil hindi pa naipapasa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang kanilang hiwalay na panukalang batas.

Ito ang dahilan kaya umapela ang Associate of Labor Unions (ALU) sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na aprubahan na ang House Bill (HB) 7871 o Wage Recovery Act na inihain ni TUCP Party-list Rep. Raymond Democrito Mendoza.

Sa nasabing panukala, humihingi ng P150 na across the board wage increase na mas mataas ng P50 sa P100 na inaprubahan ng Senado subalit hindi pa ito naipapasa sa Kamara kaya hindi ito maisalang sa Bicameral Conference Committee.

Base sa nasabing panukala, hindi lamang ang mga manggagawa sa Metro Manila ang tataasaan ng sahod mula P100 hanggang P150, depende sa pagkakasunduan sa Bicameral Conference Committee, kundi ang lahat ng mga obrero sa buong bansa.

Gayunman, sa Abril 29 pa ang balik sa trabaho ng Kongreso at hindi pa naipapasa sa committee level ang nasabing panukala.

“A legislated wage increase is long overdue in the face of the inutility of the Regional Wage Boards,” dagdag pa ng ALU na pinamumunuan ni Michael Democrito Mendoza.

Ayon naman sa Makabayan bloc sa Kamara, ipaglalaban pa rin nila ang P750 umento sa lahat ng mga manggagawa sa bansa lalo na’t hindi kayang pigilan ng administrasyong Marcos ang inflation rate.

Samantala, kinumpirma ni Senate committee on labor chairman Jinggoy Estrada na agad niyang iaadapt ang panukala para sa mas mataas na wage increase sa private sector sa sandaling maaprubahan na ito sa Kamara.

Una nang inaprubahan ng Senado ang P100 wage increase sa arawang sahod ng mga manggagawa sa private sector subalit giit ng ilang kongresista ay maliit ito.

Sinabi ni Estrada na kapag naipasa na ng Kamara ang mga nakabinbin nilang legislated wage hike bills ay kukumbinsihin niya ang mga senador na iadapt ang bersyon ng mga kongresista.

Tiniyak din ng senador na handa siyang makipagdayalogo sa Kamara para sa panukala.

Sinabi ng senador na hindi nila didiktahan ang mga kongresista subalit dapat ding ikonsidera ang kakayahan ng mga employer at mga negosyante.

(May dagdag na ulat si DANG SAMSON-GARCIA)

56

Related posts

Leave a Comment