GENCOS DAPAT MANAGOT SA ENERGY CRISIS – SOLON

PANAHON na para panagutin ang Generation Companies (GenCos) sa energy crisis sa kasalukuyan na posibleng maging dahilan ng panibagong power rate hike.

Ginawa ni House deputy minority leader France Castro ang pahayag kasabay ng panawagan sa gobyerno na magsagawa ng malalimang imbestigasyon para alamin ang dahilan ng krisis sa enerhiya.

“The ongoing red and yellow power alerts in the country should not be taken lightly. The Department of Energy (DOE), Energy Regulatory Commission (ERC) and generation companies must be held accountable, and a thorough investigation should be conducted to shed light on this matter,” ani Castro.

Habang tumitindi aniya ang init ng panahon dahil sa El Niño phenomenon, parami nang parami ang bumabagsak na planta ng kuryente kaya panipis nang panipis ang suplay.

Nagkakaroon aniya ng energy crisis dahil umaabot na sa 50 ang plantang pumalya at inaasahang kasunod nito ang pagtaas ng presyo ng kuryente tulad ng nangyari noong 2013 kung saan kinampihan ng Korte Suprema ang mga Genco sa ipinatupad na power rate increase.

Sinabi ni Castro na luging-lugi ang mga consumer dahil tila walang pananagutan ang mga GenCo sa kanilang kabiguan na tiyaking makapagdeliber ng sapat na suplay ng kuryente kahit sa panahon ng tag-init.

DOE Kinalampag

Kaugnay nito, kinalampag ni Senador Risa Hontiveros ang Department of Energy upang tuluyang solusyunan ang paulit-ulit na red alert sa Luzon grid.

Ito ay sa gitna ng patuloy na pagtaas ng demand sa enerhiya ngayong summer season na dahilan ng pagpapalabas ng red at yellow alert status ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Sinabi ni Hontiveros na paulit-ulit na ang pagkukulang ng NGCP kasabay ng paalala na ang kuryente ay dapat pampagaan ng buhay, hindi pampabigat.

Iginiit ng senador na kailangan ng bansa ng isang totoo at sustainable na solusyon sa harap ng sabay-sabay na outages ng mahigit 20 planta.

Pinagpapaliwanag din ng senadora ang DOE sa patuloy na pagtitiis ng mga consumer sa rotational brownouts at mas mataas na bayarin sa kuryente.

Nakakainit anya ng ulo na mga konsyumer ang pinagsasabihan ni Sec. Rafael Lotilla na magbawas ng konsumo kung kailan natin mas kailangan ng kuryente, sa halip na maglabas ng matalinong plano ang mga opisyal.

Dapat din anyang maglatag ng proactive measures at intelligent planning ang DOE upang solusyunan ang problema sa power outages.

(BERNARD TAGUINOD/DANG SAMSON-GARCIA)

60

Related posts

Leave a Comment