SA pagkakadakip ng dalawang corporate executives ng Pharmally Pharmaceutical Corporation sa mismong balwarte ng Pangulo, hindi maiwasang isiping may kinalaman ang Palasyo sa pagtatago ng mga taong pinaniniwalaang nagkamal nang husto sa maanomalyang transaksyon nito sa gobyerno.
Bakit nga naman hindi – ang Davao City ay kontrolado ng mga Duterte, at walang ano mang nagaganap sa nasabing lungsod ang makalulusot sa kaalaman ng Pangulo. At lalong imposibleng mawaglit sa mata ng tao ang aspetong paggamit nito ng isang private jet na gagamitin sana ng magkapatid na sina Twinkle at Mohit Dargani sa kanilang pagtakas patungong Kuala Lumpur sa Malaysia.
Batid din naman ng Pangulo ang mandamyento de aresto ipinalabas ng Senado laban sa mga negosyanteng nanloko mismo sa gobyerno sa kasagsagan pa man din ng matinding pagsubok sa mga Filipino.
Huli sa akto ng Senate Sergeant-at-Arms habang papatakas ang magkapatid sa Davao International Airport.
Hindi rin malayong maging ang dalawa pang malapit sa Pangulo – sina dating presidential economic adviser Michael Yang at dating Undersecretary Christopher Lloyd Lao ng Department of Budget and Management (DBM) ay naroroon din kung saan inaakala nilang ligtas magtago.
Ilan pa ba ang wanted na nasa Davao City? Hindi man mawari kung ilan, malamang sa hindi ay marami pang dito ay nagkukubli – sa balwarte ni Duterte.
Kung tutuusin, posible rin namang paandar na naman ito ng Palasyo sa hangaring isalba ang gumuguhong reputasyon ng Pangulong minsan nang nangusap sa harap ng publiko – “Dakpin o patayin kung kailangan ang mga negosyanteng nanloko sa bayan”.
Ang tanong ng mamamayan: Pati ba ang mga kasapakat ng mga opisyales sa pamahalaan ipapahuli na rin ni Duterte?
Pwede rin naman ‘yun. Tutal, tapos na silang pakinabangan.
