MINALIIT ng grupong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang imbestigasyong gagawin ng House of Representatives sa nangyaring massive flooding sa Cagayan at Isabela na tinawag nitong isang band-aid solution na walang kahihinatnan dahil tanging ang pagpapakawala ng tubig ng mga dam ang sakop ng gagawing pagsisiyasat at hindi kasama ang illegal at legal logging at illegal mining operations.
Ayon kay KMP President Danilo Ramos, kung nais ng mga mambabatas na masolusyunan ang problema at hindi na maulit sa hinaharap ang sinapit sa Bagyong Ulysses ay kumprehensibong investigation in aid of legislation ang dapat nitong gawin.
“Hindi band-aid solution lang, hindi para masabi nating nag-imbestiga lang, ano ba yung punu’t dulo ng problema, may relasyon ang nanyaring pagpapawala ng tubig ng mga dam at ang ginagawang legal at illegal logging at large at small scale mining operation,” paliwanag ni Ramos.
Una nang naghain ng House Resolution No. 1348 sina House Speaker Lord Allan Velasco, House Majority Leader Martin Romualdez at Minority Leader Joseph Stephen Paduano para imbestigahan ang malawakang pagbaha sa pananalasa ng Bagyong Ulysses na ikinasawi na ng 67 katao at 20 pa ang nawawala habang bilyong piso ng ari-arian at imprastraktura ang nasira.
Giit ng KMP, ang tanging nakapaloob sa 2 pahinang resolusyon ng Kamara ay ang pag-iimbestiga sa National Irrigation administration (NIA) na aalamin kung nasunod nito ang tamang protocol sa desisyon nitong buksan ang spillway gates ng Magat Dam subalit wala itong binanggit ukol sa mining at logging operations. Ani Ramos, ang pagpapatigil sa mining operations at pagsasampa ng kaso sa mga ito ang siyang dapat resolbahin at imbestigahan ng Kamara.
Nanindigan din si Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat na ang tuluyang pagpapasara ng mga large scale destructive mining operations at pagpapahinto sa kontruksyon ng Kaliwa Dam ang siyang dapat naging aksyon ng pamahalaan sa naranasang worst flood sa loob ng 40 taon sa Cagayan at hindi sapat na magsagawa lamang ng imbestigasyon na sa bandang huli ay maaaring wala ring mangyari.
Aniya, malinaw na illegal logging at mining ang sanhi ng naranasang malawakang pagbaha sa Cagayan at Isabela na nangangailangan ng agaran at matapang na aksyon ng gobyerno dahil hanggang sa hindi natitigil ang pagmimina sa bansa ay mas marami ang trahedyang naghihintay sa Pilipinas.
“Ang trahedya na nagdulot o ugat nitong matinding pagbaha at landslide ay ang nagpapatuloy pa rin na mga proyektong nakasisira sa ating kalikasan, katulad ng malalaking pagmimina na
nagkakalbo sa mga kabundukan at kagubatan, at ang mga dambuhalang dam na nagpapakawala ng napakaraming tubig na naglulubog sa maraming bayan,” giit ni Cullamat.
Duda naman si Act Teachers Party-list Rep France Castro na may kahihinatnan sa bandang huli ang imbestigasyong iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte, aniya, ang Department of Environment
and Natural Resources (DENR) ang nagbibigay ng permit sa mining operations at siya ring inatasan sa gagawing imbestigasyon kaya sa huli ay maaaring moro-moro lang ang mangyari rito.
Ang mga small scale mining ay agad na inisyuhan ng cease and desist order at pinatigil ang operasyon ngunit hindi naman makanti ng pamahalaan ang mga nasa large scale mining.
Hamon ni Castro, kasuhan ang mga mastermind sa mining at quarrying operations.
“Gobyerno din ang may sala sa sinapit na pagbaha sa Cagayan dahil ang DENR na nasa ilalim ng ehekutibong sangay ang siya ding pumapayag na mag-operate ang mga mining at quarrying
activities na kalaunang nagresulta sa pagkakalbo ng kabundukan,” pagtatapos pa ni Castro.
