BANGKAY SA SAKO NATAGPUAN SA DAGAT

INAKALANG patay na hayop ang nakitang lulutang-utang na nakasilid sa sako ngunit nadiskubreng bangkay ng isang babae sa noong Huwebes ng tanghali sa Tondo, Manila.

Medyo mahaba ang buhok at nagsisimula na umanong sumangsang ang amoy ng biktima na tinatayang nasa 30-anyos pataas ang edad.

Batay sa ulat na isinumite ni P/Lt. Adonis Aguila, hepe ng Manila Police District – Homicide Section, kay P/Brigadier General Leo “Paco” Francisco, District Director, bandang 11:00 ng tanghali nang madiskubre ang bangkay ng babae sa gilid ng barge sakop ng Vitas sa Tondo.

Ayon sa salaysay ni Cris Agas, welder sa barge, dahil sa tawag ng kalikasan, tinangka nitong umihi sa dagat nang makita nito ang isang bagay na nakasilid sa sako.

Inakala nito na isang patay na hayop lamang ang nakasilid sa sako na itinapon sa dagat.

Nang busisiin nito ang laman, naduwal si Agas dahil patay na babae pala ang nasa loob ng sako.

Dahil dito, agad nitong tinawag ang iba pa nitong kasamahan at ini-report ang insidente sa MPD- Station 1. (RENE CRISOSTOMO)

183

Related posts

Leave a Comment