KINUMPIRMA ng militanteng mambabatas na nananatili ang banta sa kanilang seguridad dahil patuloy umano ang pagkondena ng security forces sa mga miyembro ng progresibong grupo.
Binanggit ito ni House deputy minority leader Carlos Zarate ng Bayan Muna kasabay ng pagtiyak na may mananagot sa sinapit ni Randhall “Ka Randy” Echanis.
“Ang nangyari kay Ka Randy Echanis ay hindi puwedeng maliitin. Kabahagi ito ng lumalalang security situation sa ating bansa at maging sa pampersonal na seguridad natin,” ani Zarate.
Dahil dito, tripleng pag-iingat umano ang ipinatutupad ng mga ito “lalong-lalo na hindi naman tumigil ang vilification at red-tagging sa amin bilang terorista”. Halos araw-araw walang pagbabago.
Hindi sila tumigil at alam natin ang masahol at masamang epekto ng red-tagging at red labeling gaya ng naranasan ng aming mga kasamahan, si Randy Malayao, Randy Echanis at napakahabang
listahan ng lider manggagawa, lider magsasaka at lider ng progresibong grupo na hindi lang physically attacked but eventually were killed,” ani Zarate.
Ayon pa sa mambabatas, “darating din ang araw ng paniningil”.
“Make no mistake about this, darating din ang panahon ng paniningil at accountability ng lahat ng gumawa ng ganitong karumal-dumal (na krimen) hindi lang kay Ka Randy Echanis, kay Ka Randy Malayao na isa ring NDF consultant kundi sa lahat ng naging biktima ng political killings and political repression,” ani Zarate sa virtual press conference ng kanilang grupo.
Magugunita na pinaslang si Echanis sa kanyang inuupahang bahay sa Novaliches, Quezon City kasama ang kapitbahay na si Louie Tagapia.
Ikinatuwa naman ng mambabatas ang desisyon na ipasa sa National Bureau of Investigation (NBI) ang kaso ni Echanis dahil wala umanong maasahang hustisya sa Quezon City Police District.
(BERNARD TAGUINOD)
185 