BANTAYAN IBABALIK NA PONDO SA PHILHEALTH

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

SA wakas, ibabalik na sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ang P60 bilyong excess funds na kinuha patungo sa national treasury.

Inanunsyo ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang pagbisita sa Dr. Jose Fabella Memorial Hospital sa Santa Cruz, Maynila nitong Sabado.

Anyare? Ano nakain? Nahimasmasan na ata ang Pangulo. Puwede naman talaga itama at ituwid ang mali kung ito ay sadya para sa taumbayan, partikular ang mga hikahos.

Noon ay inilipat ang naturang excess funds sa National Treasury dahil hindi raw nagagamit.

Parang naglipat lang ng paso sa kabilang bakod pero ibinalik sa dating kinalalagyan nang kuyugin ng mga langgam ng protesta.

Ngayong ibabalik kung saan nararapat ang pondo, bantayan natin ang pagkilos ng PhilHealth sa paglaan nito sa mga dapat paglapatan tulad ng pagpapalawak ng mga programa para sa abot-kaya at maayos na pangangalagang pangkalusugan.

Dapat higpitan ang pagbabantay sa pera at siguruhin na mailalaan ito sa pagpapabuti at pagpapalawak ng benefit packages ng PhilHealth.

May mga agam-agam sa pagbalik ng pondo dahil malaking tanong kung saan ito huhugutin. Paliwanag ng Palasyo, manggagaling ang pondo mula sa natipid at ipon ng pamahalaan mula sa iba’t ibang ahensya – higit sa lahat mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

May ipon o natipid nga ba? Aba, hindi na pala natin kailangan mangutang.

Pero, ang magandang abangan ay kung ibabalik sa kaban ng bayan ang mga kinurakot ng mga gahaman nang pakinabangan naman ng mamamayan.

Teka, ibabanko kaya ang mga nakurakot?

Baka mas lamang ang pera ng mga ‘buwaya’ na itinabi sa kanilang ‘kaha de metal’ kaysa inilagak sa banko. May nangungulimbat ba na hindi wais?

Kaya ‘yung nililimitahan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang cash withdrawal sa P500K kada araw ay hindi alintana ng iba riyan.

Sa inilabas na BSP Circular No. 1218 Series of 2025, sinabi ni BSP Governor Eli Remolona na anomang withdrawal na lalampas sa naturang halaga ay kailangang gawin sa pamamagitan ng tseke, fund transfer, direct credit sa account, o iba pang digital payment platforms ng bangko.

Tama rin para maiwasang magamit ang cash sa mga ipinagbabawal at labag sa batas na aktibidad.

Paano ‘yung mga legal na transaksyon na kailangan ang cash withdrawal?

Sige, igiit na lang ang digital transfer para matukoy agad ang iregularidad.

Hindi makikita sa bangko ang paldo at bultong pera ng tao.

Bahay ang lungga ng kayamanan ng mga gahaman.

Naku, nagkasanga-sanga na ang puno ng flood control projects. Pati withdrawal nadamay.

3

Related posts

Leave a Comment