POSIBLENG mapalawig muli ang termino ng mga barangay official matapos ikonsidera ng susunod na liderato ng Kamara ang pagpapaliban sa barangay election.
Sa ambush interview kay House majority leader Martin Romualdez sa pulong nito sa mga miyembro ng PDP-Laban na nagbato na rin ng suporta sa kanyang Speakership bid, sinabi nito na isa sa mga kahilingan ng barangay officials ay ipagpaliban ang barangay election.
“Hiling ng mga barangay chairperson na na-meet natin sa Liga ng mga Barangay (ipagpaliban ang election) so we shall consider that,” ani Romualdez.
Huling nagkaroon ng barangay election noong May 4, 2018 at susundan sana ito pagkatapos ng 3 taon o noong May 2020 subalit noong Setyembre 2019 ay nagpasa ng panukala ang Kongreso na nagpapaliban sa halalan hanggang Disyembre 5, 2022.
Sa ngayon ay mayroong tatlong panukalang batas na nakahain sa mababang kapulungan para ipagpaliban ang 2022 barangay election ng dalawa hanggang tatlong taon.
Kapag naipagpaliban ang barangay election ay makatitipid ang gobyerno ng mahigit P8 billion na magagamit sa pagtugon sa problema lalo na sa COVID-19 pandemic recovery, ayon kay Romualdez. (BERNARD TAGUINOD)
197 