APAT sa bawat sampung pamilyang Pilipino ang naniniwalang walang pagbabago ang kanilang estado sa buhay – pobre pa rin.
Sa pangangalap ng datos gamit ang in-person interview ng Social Weather Station (SWS) sa 1,440 kataong nasa hustong edad mula Abril 19 hanggang 27 ng kasalukuyang taon, pumalo sa 10.9 milyong Pilipino, o katumbas ng 43% ng populasyon ng bansa ang nagsasabing nabibilang pa rin sila sa sektor ng mga maralita.
Para naman sa 34% ng mga respondents na lumahok sa SWS survey, nasa balaga na sila ng alanganin at nalalapit nang dumanas ng hirap, habang 23% naman ang nagsabing hindi sila mahirap.
Paliwanag ng SWS, malaking bahagi ng mga respondents na kumbinsidong sila’y nabibilang sa mga tinatawag na “self-rated poor” ang mula sa Metro Manila at ilang rehiyon sa Mindanao. Taliwas naman ang datos na nakalap sa Visayas at Balanced Luon kung saan bumaba ang “self-rated poverty.”
Ibinase ng SWS ang datos batay sa isa sa tatlong pamimiliang tugon sa katanungang – “Saan nyo ilalagay ang inyong pamilya sa kard na ito?”
Ayon pa sa SWS, hindi nalalayo ang nakalap nilang datos nitong Abril kumpara sa kanilang iniulat noong Disyembre ng nakalipas na taon kung saan 43% din ang nagsabing sila’t pobre, 39% naman ang naniniwalang sila’y nasa tinatawag na borderline, habang 19% naman ang sumagot ng “not poor.” (JESSE KABEL)
318 