SA kumpas ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang kontrobersyal na e-sabong ay kanyang pinahinto, kasabay ng direktiba sa Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa agarang tigil operasyon ng online talpakan.
Ang totoo, agad namang kumilos si DILG Secretary Eduardo Año. Katunayan, isang kalatas ang agad niyang ibinaba sa Philippine National Police (PNP) at sa local government units (LGUs) para sa sabayan, kung hindi man pinag-isang operasyon, laban sa e-sabong operators na matigas ang ulo.
Ang betting stations, agad na ipinasara ng LGUs bilang tugon sa direktiba ni Año. Pero teka, hindi limitado sa betting stations ang lintek na online sabong. Online nga ‘di ba?
Sa kabila ng direktiba ng Pangulo noong Mayo 3, 2022, nagpatuloy pa rin ang operasyon ng e-sabong na piniling bumalik sa dating modus nito – estilong gerilya, patago, ika nga. Hindi tulad ng jueteng na gumagamit ng kubrador sa pangangalap ng pusta, ang mga e-sabong operator ay nakasandal sa makabagong teknolohiya.
Patunay nito ang text blast na natatanggap ng milyon-milyong Pilipino sa kani-kanilang mga telepono, bagay na lubhang ikinagulat ng mga walang muwang sa online pustahan sa sabong na natutunghayan gamit ang URL link na kalakip ng mensaheng sadyang ikinakalat ng e-sabong operators.
Ayon sa mga henyo sa larangan ng makabagong teknolohiya, isang marketing strategy ang paggamit ng text blast, kesehodang ilegal o lehitimo ang isang negosyo.
Bahagi ng text blast ang isang URL link kung saan matutunghayan ang talpakan. Sa nasabing link din pwedeng tumaya gamit ang digital payment system tulad ng GCash ng Globe Telecom.
Pati ang premyo sa mananalo, GCash payment din – ‘yun ay kung mananalo ka! Kung pagbabatayan ang mga kinahinatnan ng mga nalulong sa lintek na e-sabong, mas lamang ang malubog tayo kaysa manalo.
Patunay nito ang mga naglabasang balita tungkol sa mga negosyanteng nalugmok matapos ipusta pati puhunan sa negosyo, mga batang nawindang ang pag-aaral dahil sa pagkahumaling sa talpakang napapanood sa kanilang mga hawak na telepono, mga mag-asawang naghiwalay, pamilyang nawasak, mga taong dinukot at mga pinaniniwalaang pinaslang dahil sa e-sabong.
Ang tanong – bakit patuloy pa rin ang e-sabong? Kasi nga may basbas ng mga tiwali sa PNP. Sila yaong nagbibigay proteksyon sa ilegal na sugal, kapalit ng lingguhang tara – mula noon, hanggang ngayon.
462 