NASA lansangan ang totoong laban sa pagsugpo sa COVID-19.
Ito ang inihayag ni Joint Task Force COVID Shield commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar kasunod ng pahayag na magsisilbing pinakamalakas na re-enforcement ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines sa giyera kontra coronavirus contagion ang mga barangay official lalo na ang mga barangay tanod.
Paliwanag ng heneral, dahil sa limitadong kakayahan ng PNP at AFP hindi sapat ang kanilang puwersa para mabantayan ang lahat ng mga lansangan at mga eskinita sa buong bansa kung saan
nangyayari ang talamak na pagsuway sa quarantine rules.
Aniya, sa kabila ng todo-todong pagsisikap ng pulis at militar para masupil ang movement ng mga tao at ipatupad ang minimum health safety protocols para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus, ang aktibong partisipasyon ng mga Local Government Unit (LGU) sa pamamagitan ng City and Municipal Public Order and Safety at mga barangay tanod ang siyang magsisilbing missing link para palakasin ang depensa ng bansa laban sa COVID-19.
Partikular na halimbawa ni Gen. Eleazar ang hakbang ni Manila Mayor Isko Moreno sa pagtatatag nito ng may 400 COVID-19 marshals para tutukan ang pagtalima ng mga residente, visitors at mga manggagawa sa pagsusuot ng face mask at proper physical distancing.
Sa datos ng JTF COVID Shield, umaabot na sa mahigit 320,102 violators ang nabigyan ng babala, pinagbayad ng multa o nasampahan ng kaso mula March 17 hanggang August 14.
Dahil dito, nakipag-ugnayan kina Secretary of the Interior and Local Government (SILG) Eduardo Año at PNP Chief Police General Archie Francisco Gamboa ang JTF COVID Shield para atasan ang lahat ng police commanders sa buong bansa na i-mobilize ang mga barangay tanod sa implementasyon ng minimum health standard protocols. (JESSE KABEL)
341
