BATANG BABAE KINAPITAN NG SALABAY, PATAY

QUEZON – Namatay ang isang 5-anyos na batang babae makaraang kapitan umano ng salabay o dikya habang naliligo sa isang beach resort sa bayan ng Buenavista sa lalawigan noong Lunes, Hunyo 2.

Ayon sa report ng pulisya, nagtungo ang pamilya ng biktima sa Deocales Resort, sa Brgy. Mabutag para sa family outing.

Bandang alas-12:00 ng tanghali, naliligo ang isang tiya ng biktima nang lumusong ang bata at tumabi sa paliligo nito.

Magkatabing naliligo ang dalawa nang bigla na lamang sumigaw ang bata. Nakapitan na pala ito ng salabay sa kanyang kamay at braso.

Agad itong sinaklolohan at binigyan ng paunang lunas, at saka isinugod sa ospital subalit tuluyan ding binawian ng buhay dahil sa matinding lason na gumapang sa kamay nito mula sa dikya.

Labis ang pagdadalamhati ng pamilya na noong Lunes lang ay kapiling ang bata ngunit hindi sukat akalain na sa isang iglap ay mawawala ito dahil sa hindi inaasahang pangyayari.

Bilang paalala sa publiko, pinayuhan ng mga kaanak ng biktima ang lahat ng nagpaplano o kasalukuyang naliligo sa dagat, na laging pag-ingatan ang kanilang mga anak dahil hindi anila biro ang makapitan ng salabay.

(NILOU DEL CARMEN)

74

Related posts

Leave a Comment