NAGLABAS na ng panibagong warrant of arrest ang korte sa Batangas laban sa negosyanteng si Charlie “Atong” Ang at iba pa kaugnay ng kaso ng mga nawawalang sabungero.
Kinumpirma ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon na ang Lipa City Regional Trial Court Branch 13, sa ilalim ni Presiding Judge Pamela Torres Chavez Izon, ay nag-isyu ng warrant of arrest laban kay Ang para sa anim na bilang ng kidnapping with homicide, isang non-bailable offense.
Batay sa warrant, wala umanong inirekomendang piyansa laban kay Ang na una nang itinuring na fugitive from justice matapos mabigong sumuko o maaresto ng mga awtoridad.
Samantala, kumpiyansa ang Department of Justice (DOJ) na nasa loob pa rin ng bansa si Ang. Ayon kay Justice Secretary Fredderick Vida, base sa rekord ng Bureau of Immigration, walang indikasyong nakalabas ng Pilipinas ang puganteng negosyante.
Dahil dito, nananawagan ang DOJ na sumuko na lamang si Ang upang harapin ang mga paratang at patunayan ang kanyang pagiging inosente sa korte.
“Balewala ang pahayag ng pagiging inosente kung hindi naman idinadaan sa proseso ng husgado,” giit ni Prosecutor General Fadullon.
Si Ang at 17 iba pa ay nahaharap sa 10 counts ng kidnapping with homicide, bukod pa sa hiwalay na kasong 16 counts ng kidnapping with serious illegal detention. Ang iba niyang mga kapwa akusado ay nasa kustodiya na ng mga awtoridad, habang patuloy ang manhunt laban sa kanya.
(JULIET PACOT)
3
