SIMULA ika-1 ng Hunyo ay naghigpit na ang lalawigan ng Batangas sa pagpasok ng mga poultry at non-poultry na mga ibon sa lalawigan bilang pag-iingat laban sa pagkalat ng Avian influenza.
Sa inilabas na Executive Order No. 2 ni Gobernador Hermilando Mandanas, magpapatupad ng 21 araw na temporary ban sa pagpasok sa probinsya ng mga ready to lay (RTL) pullets, hatching eggs, at lahat ng uri ng spent hens, game fowls, ducks, quails, pigeons at iba pang non-poultry na ibon.
Ipagbabawal din muna sa loob ng nasabing panahon ang pagpasok ng transport carriers para sa live culls at poultry manure.
Samantala, para mapaigting ang mga hakbang sa pagpigil sa pagpasok ng avian flu, ang lahat ng shippers na magdadala o daraan sa probinsya ng Batangas ng domestic at capture wild birds, poultry products at by-products ay kinakailangan munang mag-fill-up ng Google form na pinamagatang “Notice to Bring in Poultry Commodities.”
Ito ay para matiyak na lahat ng shipments ay matutunton at maire-record sa provincial animal checkpoints.
Tatanggapin ang aplikasyon para sa same-day shipment mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-8:00 ng gabi lamang.
Ito para bigyan ng panahon ang pagpapakalat ng impormasyon sa lahat ng provincial animal checkpoints at local veterinary at agriculture officers.
Magkakaroon din ng poultry lane sa ilang mga piling animal checkpoints sa probinsya para matiyak na lahat ng poultry, poultry products at by-product shipments na papasok sa probinsya ay maayos na maidodokumento at maiinspeksyon.
Ipinagbabawal din ang pagpapastol ng mga itik habang nasa ilalim ng proklamasyon ng avian influenza outbreak sa bansa. Ang nasabing ban ay aalisin ng Department of Agriculture oras na maideklarang avian influenza free na ang bansa. (NILOU DEL CARMEN)
