SINAMPAHAN na ng ethics complaint ng isang civil society group si Senador Ronald Bato dela Rosa.
Ang reklamo ay inihain ng ‘Wag Kang KuCorrupt’ sa pangunguna ni dating Finance Undersecretary Prof. Cielo Magno.
May kinalaman ito sa patuloy na absences ni dela Rosa at hindi pagtupad sa kanyang official duties sa Senado na higit tatlong buwan na.
Nakasaad sa reklamo na ang patuloy na hindi pagpasok ni Dela Rosa ay hindi lamang kapabayaan sa kanyang tungkulin kundi grave abuse sa pribilehiyo at tiwalang ipinagkaloob sa kanya ng taumbayan bilang senador.
Binigyang-diin pa sa complaint na kapag ordinaryong manggagawa at empleyado ang patuloy na absent sa trabaho ay otomatikong walang sahod at kung minsan ay nahaharap pa sa disciplinary action, salary deduction, suspensyon at termination.
Umaasa si Prof. Magno na agad aaksyunan ng Senate Committee on Ethics ang reklamong inihain laban kay Dela Rosa at bigyan ng parusa ang senador.
Idinagdag pa ni Magno, hindi dapat kinukunsinti ng mataas na kapulungan ang ganitong kilos na patuloy na pag-absent at hindi pagtupad ng tungkulin ng isang senador.
(DANG SAMSON-GARCIA)
1
