(NELSON S. BADILLA)
SA pinakaunang sarbey ng kilalang kumpanya ay lumitaw ang gusto ng mga botante kung sino ang pipiliin nilang pangulo sa halalang 2022 sa pagitan ng magkatunggali noong 2016 na sina dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Bise Presidente Maria Leonor Robredo.
Sa sarbey ng Pulse Asia sa 2,400 repondents mula Nobyembre 23 hanggang Disyembre 2 , pumangalawa si Marcos sa iskor na 14 porsiyento.
Tabla sila ni Senadora Mary Grace Poe.
Ang nanguna ay ang anak ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa iskor na 26%.
Ikaanim si Robredo na walong porsiyento lamang.
Nang malaman ng kampo ni Robredo ang lagpak o napakababang pagpabor ng mamamayan sa kanya para maging pangulo ng bansa sa Hunyo 2022 hanggang Hunyo 2028, binalewala nito ang sarbey.
Sabi ng tagapagsalita ni Robredo na si Ibarra Gutierrez, “Masyado pang maaga para sa pamumulitika at pakikipaggitgitan para sa eleksyon.”
“Right now, the Vice President is still focused on working to help our fellow Filipinos get past the crisis of COVID-19 and recover from the calamities of the past few months,” wika ni Gutierrez.
Matatandaang noong Nobyembre hanggang unang linggo ng Disyembre ay masyadong aktibo si Robredo sa pagtungo sa mga lalawigan, bayan at lungsod na hinagupit ng mga bagyong “Rolly” at “Ulyses”.
Ang mga litrato ng kanyang pag-iikot sa mga nasabing lugar ay nagsipaglabasang lahat sa mainstream at social media.
Kaya, sa lahat ng pinaniniwalaang interesadong tumakbo sa pagkapangulo sa halalang 2022, si Robredo ang aktibong umiikot sa maraming lugar sa Luzon kung saan ang tema ng pagkilos ay pagtulong sa mga nasalanta ng mga bagyo.
Ang laban nina Marcos o BBM at Leni sa eleksyon sa pagkapangalawang pangulo ng bansa ay hindi pa tapos dahil hindi pa naglalabas ng “opisyal” at “pinal” na desisyon ang Presidential Electoral Tribunal (PET) hinggil sa “totoong nanalo” sa naturang posisyon.
Natapos ang 2020, nanatili pa rin sa tanggapan ni Associate Justice Marvic Leonen ang protestang elektoral ni Marcos laban kay Robredo.
Sa Oktubre ay simula na ng paghahain ng certificate of candidacy (COC) sa mga tatakbo sa pagkapangulo at pagkapangalawang pangulo ng bansa.
Inaasahang mababago pa ang resulta ng sarbey ng Pulse Asia at iba pang kumpanya.
