HINDI dapat dagdagan ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ang paghihirap ng taumbayan na labis na naapektuhan at hindi pa nakababangon sa pandemya ng COVID-19.
Ito ang mensahe ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor kaugnay ng nakatakdang pagtataas ng PhilHealth contribution simula ngayong Enero 2021, kung saan itataas na ito sa 3.50% mula sa 3.00%.
“Millions of contributors are daily wage-earners and other workers reeling from the COVID-19 pandemic, like most of our people. PhilHealth should not add to their financial burden at this time,” ani Defensor.
Bagama’t nakasaad sa Republic Act (RA) No. 11223, o Universal Health Care Law, na kailangang itaas sa 3.5% ang monthly insurance premium ng kanilang mga miyembro, hindi umano ito napapanahon dahil sa krisis na kinakaharap ngayon ng mga manggagawa at maging ng kanilang employers.
“My appeal to PhilHealth is to defer or delay the increase by at least six months to give time to Congress to pass an amendatory bill and other measures reforming the agency to make it more efficient and effective, and to lessen corruption, which results in billions in financial losses every year,” ayon pa kay Defensor.
Hindi umano mauubusan ng pondo ang ahensya dahil binigyan ang mga ito ng P71 billion subsidy funds sa ilalim ng 2021 budget at mayroon pang P15 billion na advance payment ang mga ito sa mga ospital na kailangang bawiin. Kasama rito ang may P1.5 billion sa mga pagamutan na may kaso.
“In fact, they should recover those advances first before effecting any premium increase,” ani Defensor.
Natuklasan ang nasabing advance payment sa joint hearing ng House committee on public accounts at Committee on good government and public accountability hinggil sa anomalya sa PhilHealth.
Kapwa tinanggal ni House Speaker Lord Allan Velasco sina Defensor at Bulacan Rep. Jonathan Sy-Alvarado bilang chairman ng dalawang nabanggit na komite sa hindi malamang kadahilanan.
Dahil sa nasabing pagdinig, inihain ni Defensor kasama sina Deputy Speaker Rodante Marcoleta, Laguna Rep. Dan Fernandez, Cavite Rep. Crispin Remulla, Surigao del Norte Rep. Robert Ace
Barbers at Dasmarinas Rep. Elpidio Barzaga Jr. ang House Bill (HB) 7832 o Philippine Health Insurance Corp. Crisis Act of 2020 para ayusin ang nasabing institusyon at malinis ito sa katiwalian.
SSS MANHID?
Samantala, mistula umanong manhid ang Social Security System (SSS) sa pinagdadaanan ng sambayanang Pilipino.
Ganito inilarawan ni Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite ang SSS matapos itaas sa 13% ang kontribusyon ng kanilang mga miyembro mula sa kasalukuyang 12%.
“Hindi ba nila ramdam ang paghihirap ng mamamayan?,” tanong ni Gaite dahil sa kabila ng panawagan na ipagpaliban ang SSS contribution increase ay napipinto itong matuloy ngayong 2021.
“Bagsak ang ekonomiya, mataas ang inflation rate, tumaas ang halaga ng pagkain at iba pang gastusin, tumaas din ang bilang ng nagsasabing sila ay gipit, kaya talagang napakahalaga ngayon ng bawat pisong mananatili sa bulsa ng ordinaryong manggagawa,” dagdag pa ni Gaite.
Gayunpaman, hindi ikinonsidera ng SSS ang sitwasyon ng mamamayan dahil itinuloy nila ang pagtataas ng kontribusyon ngayong taon kung saan ang mga nagbabayad ng P2,000 ay magiging P3,000.
Kalalabas lamang aniya ng survey ng Social Weather Station (SWS) na nagsasabing 48% sa mga Pilipino ay naghihirap habang ang 16% o 4 milyong pamilya naman ang nagsabing nakaranas sila ng involuntary hunger.
“Naghihigpit ng sinturon ang napakarami, itong contribution hike ay lalong maghihigpit sa sinturon na yan. Read the room naman SSS. Baka naman kaya iyang ipagpaliban?” dagdag pa ni Gaite.
Dahil dito, umapela ang mambabatas sa SSS na ipagpaliban muna ang pagtataas ng kontribusyon habang hindi pa nakababangon ang sambayanan lalo na ang mga manggagawa sa krisis.
Hindi aniya malulugi ang SSS kapag ipinagpaliban ang dagdag na kontribusyon dahil noong 2019 ay tumaas sa 225% ang net income ng ahensya at lulobo pa ang pondo ng mga ito kung pagbubutihin ng mga ito ang pagkolekta at habulin ang mga delingkuwenteng employers na hindi nagre-remit. (BERNARD TAGUINOD)
