BBM PALALAKASIN ANG PHILHEALTH

NASA bingit ng reorganisasyon ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kung sakali mang si presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang maihalal na bagong pangulo, dahil sa isyu ng hindi pagbabayad ng utang sa mga pribadong ospital. Ayon kay BBM, hindi isyu sa medikal ang problema sa PhilHealth kundi mismong nasa pamamahala.

Giit ng PhilHealth, bumabagal lamang ang pagbabayad nila dahil sa mga ospital na hindi nagiging tapat sa kanilang claims.

Bukod sa mga pribadong ospital ay iniinda na rin ng mga hotel operator at Philippine Red Cross ang hindi pagbabayad ng state insurer sa pagpapagamit nito ng kanilang mga pasilidad bilang quarantine facility at serbisyo sa RT-PCR test.

Kung matatandaan, ngayong taon lamang ay dinagdagan ng pamahalaan ng 12 porsyento ang subsidiya para sa PhilHealth, mula sa P71.35 bilyon noong nakaraang taon ay nasa P80 bilyon na ngayon. Sa bisa ng Universal Health Care Law, ang karagdagang ito ay upang mapabilang sa insurance ang mga indirect contributor katulad ng indigent citizens, mga matatanda, at mga may kapansanang walang trabaho.

Dagdag pa, halos P100 bilyon din ang nakokolekta ng PhilHealth mula sa mga kontribusyon ng mga empleyado sa pribado at publikong sektor. Ibig sabihin, nasa P180 bilyon ang nalilikom nito kada taon.

Napakahalaga ng healthcare system sa ating bansa ngunit ang pandemyang dulot ng COVID-19 ang naging patunay na hindi ito ganoon katatag. Kailangan natin itong palakasin sa pamamagitan ng lubos na pamumuhunan at pagsuporta sa medical institutions.

Kaya lamang, batid naman nating imposible ang pagpapa­lakas nito kung ang ating mga ­medical institution mismo ay nasa bingit na ng pagbagsak dahil sa cash flow nilang higit nang apektado.

Naghirap ang mga medical worker ng dalawang taon upang tiyakin ang paggaling ng mga lubhang nahawaan ng COVID-19. Ang simpleng pagbabayad ng PhilHealth sa mga ospital—bagama’t isa sa kanilang karapatan—ay isa ring pagpapakita ng suporta, pagpapahalaga, at pasasalamat sa kanilang tulong at serbisyo sa ating bansa. Gayun na rin para sa mga hotel operator na kabilang sa industriya ng turismo na isa sa mga sektor na dinedependehan ng Pilipinas sa pagpapaunlad ng ekonomiya.

Kung patuloy na maaapektuhan ang kanilang cash flow at operasyon dahil sa mga utang, hindi malayong mas masamang epekto pa ang haharapin ng mga negosyong ito na mas lalo pang magpapahina sa kanila ng loob upang makipagtulungan sa mga ahensya ng pamahalaan.

Katulad nating mamamayan, sobra na ang pagdurusa ng mga negosyo dahil sa COVID-19. Kung ang pondo naman ay maaari nang gamitin, huwag na dapat pang patagalin ang pagbabayad ng utang.

Kung ating iisipin, ang pagbangon ng ating bansa mula sa pandemya ay magmumula sa pagbangon ng mga kumpanya at negosyo.

197

Related posts

Leave a Comment