Binigyan ng pagpupugay ni presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, ang mga barangay officials, workers, at volunteers dahil sa kanilang kabayanihan na naging daan upang maging matagumpay ang national vaccination program ng pamahalaan kontra Covid19.
Sa kanyang talumpati sa harap ng mga barangay officials, workers, at volunteers kamakailan, sinabi Marcos sa kanila na malaki ang kanilang naging ambag upang muling makabangon ang bansa.
“Ako’y nagpapasalamat sa trabaho na ginawa ng ating barangay officials at ng ating barangay volunteers dito sa pandemiya. Kung hindi sa inyo ay hindi talaga naging maganda ang vaccination roll out,” sabi ni Marcos.
“Ngunit dahil sa (kabayanihan) at sakripisyong ginawa ninyo ay dahan-dahan na nating naiiwanan ang pandemya. Maiiwanan na natin ang sakit na Covid dahil sa trabaho ng lahat ng ating barangay workers at lahat ng barangay officials,” dagdag pa niya.
Paliwanag ni Marcos na matiyaga at masigasig ang mga barangay officials, workers, at volunteers na mabakunahan ang kanilang mga nasasakupan kasama na ang pagkuha ng bakuna, pagdala nito sa mga vaccination sites, at masigurong magiging maayos ang sistema ng vaccination rollout.
“Noong dumating ang pandemya, sino ang bumuhay sa Pilipino ( para sa maayos na vaccination rollout) kung hindi ang mga ating barangay officials kasama na ang ating barangay volunteer workers,” bigay-diin niya.
“Dahil sa inyo dahan-dahan na po tayong palabas na sa pandemya. Malaki po ang utang na loob ng buong madlang Pilipinas dahil sa inyong ginawa,” dagdag pa niya.
Sinabi ni Marcos na kailangang bigyan din sila ng pagkilala sa pamamagitan ng pagbibigay ng buwanang honorarium mula sa lokal na pamahalaan.
“Kaya’t dapat naman ay mabigyan naman ng pagkilala ang ating barangay health workers at volunteers sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng karampatang mga benepisyo at honorarium,” wika niya.
Bilang dating gobernador, inilahad ni Marcos ang kanyang karanasan na ayon sa kanya ang tagumpay ng mga local chief executives ay nakadepende sa kung anong suporta ang kanilang makukuha mula sa mga barangay officials dahil sila ang may mas direktang ugnayan sa mga tao.
“Noong governor ako, talagang inaasahan ko ang trabaho (ng mga katulad) ninyo dahil sa local, lalo na sa barangay, ang kaharap niyo ay tao, ang taumbayan mismo. Kaya talaga napakalaki ng trabaho at kontribusyon ninyo sa maayos na pamamalakad ng ating pamahalaan,” sabi niya.
“Kung hindi sa inyo kahit gaano kaganda ang mga iniisip ng national government; kahit gaano kaganda ang mga plano ng national government, wala pong mararamdaman ang taumbayan dahil kayo ang nagdadala mula sa national government hanggang sa mismong mamamayang Pilipino. Kaya kailangan pong pasalamatan kayong lahat,” dagdag niya.
Inilatag din ni Marcos ang kanilang programa ng kanyang running mate na si Inday Sara Duterte na ayusin o amyendahan ang batas upang mas maisaayos ang pamamahala sa barangay gaya ng pagpapalawig ng termino ng mga barangay official na gawing limang taon mula sa kasalukuyang tatlong taon upang mas mabigyan sila ng oras upang matapos ang lahat ng knailang proyekto.
Plano din ng UniTeam na dagdagan pa ang benepisyo ng barangay officials at workers na hindi naibibigay sa kanila dahil sa kakulangan ng budget.
“Siguro panahon na para talagang tuparin na natin ang nasa batas at ibigay na natin ang mga benepisyo ng mga barangay workers at sa kanilang pamilya tulad ng scholarship para sa kanilang mga anak at health insurance. Kung kakayanin, bigyan din natin sila ng pabahay,” sabi ni Marcos.
357