NAGUUMAPAW ang suportang ipinakita ng mga Cebuano sa tambalan nina presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at running mate niya na si Inday Sara Duterte nang magsagawa sila ng campaign rally sa City de Mare, Filinvest Grounds, SRP, Cebu City nitong Lunes.
Base sa taya ng mga lokal na opisyal ay umabot sa mahigit 300, 000 ang bilang ng mga tao na nakibahagi sa programa ng UniTeam.
Kinumpirma ng mga organizer na nasa 300,000 katao ang kakasya sa 30 hektaryang lupain ng Filinvest Grounds, idagdag pa umano yung mga nasa paligid na hindi na nakapasok.
“Inaasahan namin na 300,000 ang dadalo sa rally kasi ‘yun ang capacity ng lugar, 30 hectares kasi ang sukat ng area, since puno yung tao siguradong nasa 300,000 ang bilang nito bukod pa diyan may mga tao pa sa kalsada, kaya malamang sobra 300,000 ang mga pumunta,” ayon sa isa sa mga organizer.
Pinatotohanan naman ni Governor Gwendolyn Garcia ang bilang, aniya kung susundin ang Math, sa 30 hektaryang sukat ng lupain aabot ngang 300,000 mahigit ang bilang ng mga dumalo.
“Well if we do the Math, the area is 30 hectares, at least 300, 000 people attended today,” sabi ni Gov.Garcia.
Bago naman magsalita sina Marcos at Duterte ay sinalubong na sila ng malakas na hiyawan, “Daog na!” sigaw ng mga BBM-Sara supporters sa Cebu na ibig sabihin ay “Panalo na!”.
Sabi ni Marcos, ang rally nila sa Cebu ang may pinakamalaking bilang ng tao sa buong kampanya nila.
Malayo pa lang aniya ay alam niya nang maraming tao dahil wala pa man siya sa lugar ay naririnig na niya ang sigawan at hiyawan nila.
“Ito na ang pinakamalaking bilang ng taong nakita namin sa buong rally, sa lahat ng kampanyang ginawa namin,” ayon kay Marcos.
“Malayo pa lang ako alam kong maraming tao dahil naririnig ko na yung mga sigawan at hiyawan niyo, kaya nang dumating ako napatunayan ko na grabe yung suportang ipinakita niyo sa tambalang Marcos at Duterte,” dagdag pa niya.
Habang nagsasalita naman si Mayor Inday Sara, sumisigaw ang mga tao ng hindi sila bayad.
Ani Duterte alam niyang may paninindigan ang mga bisaya at hindi papayag na magpabayad.
“Totoo yan kasi ang mga bisaya may paninindigan sa kanilang pambato na kandidato, kanina pa kayo dito, umaga pa lang, mga 6am pa lang kaya alam ko na ang taga-Cebu hindi nagpapabayad,” ani Duterte.
Star- studded din ang programa, nag-perform ang ilang mga artista na tulad na lamang nila Andrew E, Toni Gonzaga, Bugoy Drilon, Daryl Ong at Michael Pangilinan na mas kilala sa kanilang bansag na “BuDaKel”.
Namataan din sina Bayani Agbayani, ang grupo ng Ex-Batallion, at ang 3rd nominee ng Tingog Partylist na si Karla Estrada ay kinantahan din ang mga Cebuano.
Nangibabaw din ang mala-piyestang tema ng programa dahil sa mga sumayaw ng “Sinulog” na kilalang-kilala na festival sa buong lalawigan ng Cebu.
161