SOLON: AGRI SECTOR ‘DI AASENSO KAY BBM

(BERNARD TAGUINOD)

HUWAG nang umasang aasenso pa ang sektor ng agrikultura kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Reaksyon ito ni House Deputy Minority leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro matapos aprubahan ni Marcos Jr. ang pag-angkat ng 150,000 metric tons ng asukal na karagdagan sa mga naunang inangkat.

“It would be a monumental task indeed for the agricultural sector to improve when the default position of the Marcos administration thru the Department of Agriculture (DA) is to import agricultural products,” ani Castro.

Imbes aniyang tutukan ang pagpapaunlad sa sektor ng agrikultura ay laging importasyon ang tugon ng Pangulo kaya lalong hindi nakababangon ang bansa.

“Tawagin na lang kaya nating Department of Importation ang DA at mga ahensya nito tulad ng SRA at BFAR? Yun naman din halos ang palagi nilang ginagawa e. Sa halip na ibangon ang agrikultura ng ating bansa ay agrikultura ng mga dayuhan ang nakikinabang sa ganyang polisiya,” dagdag pa ng mambabatas.

Ang ikinadidismaya pa ng solon ay ang laging katuwiran ng Marcos administration na kaya aangkat ng karagdagang asukal ay upang maibaba ang presyo nito.

Gayunpaman, sa mga nakaraang importasyon, hindi rin napababa ang presyo ng asukal dahil mahigit P100 kada kilo pa rin ito sa merkado na malayong-malayo sa ipinangakong P70 kada kilo kung mag-aangkat.

“Importation na lang ba ang sagot natin tuwing may pangamba sa suplay ng bigas, sibuyas at ngayon asukal? Baka nasanay sa solusyong pang-mayaman si Marcos Jr., galawang credit card! Bili lang nang bili muna, kahit di pa tiyak kung makikinabang ba ang mamamayan dito,” komento naman ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel.

Sa ganitong galawan anila ng Marcos administrasyon, tanging ang mga negosyante ang aasenso habang lalong malulugmok sa kahirapan ang mga magsasaka.

Indikasyon din umano ito na wala na sa direksyon ang gobyerno na paunlarin ang nasabing sektor upang makatayo ang bansa sa sariling paa pagdating sa food security.

“We should be vigilant against the Marcos administration’s penchant for importing agricultural products because it may kill our farmers before we know we would have no agricultural sector to speak of,” pahabol pa ni Castro.

Sa kabilang dako, tila pinakakalma ng DA ang mga magsasaka at mangingisda sa pangakong susuportahan nila ito laban sa epekto ng climate change.

Sa talumpati ni DA Senior Undersecretary Domingo Panganiban sa pagdiriwang ng National Farmers and Fishers Month, nangako si Panganiban na ipagpapatuloy ng administrasyon ang suporta nito sa sektor ng agrikultura.

“This year, President Ferdinand Marcos Jr. has ordered the single greatest annual investment in climate change for the farm and fishery sector, with more than PHP25 billion for research, new technologies, training, and infrastructure to allow the sector to adapt to climate-related impacts,” ani Panganiban.

“The Marcos administration will continue to push for stronger support for the sector, given the budget that we are asking for. Because expanding investments along the food value chains will create jobs, especially for the marginalized sectors of our society,” dagdag na pahayag nito.

Sa pagsuporta sa agri-frontliners ng bansa, winika ni DA Assistant Secretary Arnel de Mesa na isinama ng administrasyon ang apat pang “major programs” kabilang na ang “P2.3-billion Adapting Philippine Agriculture to Climate Change project, sakop ang Cordillera Administrative Region (CAR), Cagayan Valley, Bicol Region, Northern Mindanao, at SOCCSKSARGEN; Philippine Fisheries and Coastal Resiliency Project (FishCore) nagkakahalaga ng P11.422 billion para sa 24 lalawigan; ang P6.625-billion Mindanao Inclusive Agriculture Development Project para sa 26 ancestral domains; at Philippine Rural Philippine Rural Development Project, na may pinakamataas na budget na P45.012 billion, sakop ang 82 lalawigan sa bansa. (May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)

164

Related posts

Leave a Comment