SONA puro pantasya PINAS BOKYA KAY MARCOS

(BERNARD TAGUINOD)

KUNG may nagbago man sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., iyon ay ang logo ng streamers ng tradisyunal na pag-uulat sa bayan subalit sa kabuuan ay bigo sa kanya ang sambayanang Pilipino.

Ganito inilarawan ni Partido ng Manggagawa (PM) national chairman Renato Magtubo ang ikalawang SONA ni Marcos kahapon dahil imbes gumanda ang buhay ng mga Pilipino sa unang taon ng kanyang pamumuno ay lumala pa ito.

“Walang bago sa Pilipinas. Logo lang ang nagbago. All the social problems—poverty, inequality, low wages, high prices, unemployment and insecure jobs—remain unresolved and without any clear solutions under this administration,” ani Magtubo.

Sa SONA streamers na ikinalat sa iba’t ibang bahagi ng bansa, ipininta ito sa kulay ng bandila ng Pilipinas subalit sa kaliwang bahagi ay prominente ang BBM na inisyal ng Pangulo, bagay na hindi ginawa ng mga nagdaang pangulo ng bansa.

Kabilang ang grupo ni Magtubo sa libu-libong sumali sa kilos protesta sa Commonwealth Avenue, Quezon City partikular na sa panulukan ng Tandang Sora. Sinabayan aniya ito ng kanilang mga miyembro at iba’t ibang organisasyon sa Cebu City, Iloilo at iba pang lugar sa bansa.

Ayon sa dating mambabatas, sa ilalim ng administrasyon ni Marcos, mahigit 4,000 trabaho ang nawala matapos magsara ang dalawang malalaking garment factories sa Mactan Export Processing

Zone at maging ang drawing na P20 na presyo ng bigas ay isang pruweba ng kabiguan ng kanyang pamumuno.

“Dahil walang trabahong regular and walang murang bigas, bigo ang Pilipinas sa pamumuno ni BBM,” deklarasyon ni Magtubo.

“Kung susumahin ang isang taon ni Marcos, bibigyan namin siya ng bagsak na grado dahil sa napakalala ng krisis sa pagkain at agrikultura dahil simula’t sapul, palaasa siya sa importasyon, puro band aid solutions at bukambibig ang pagresolba sa food insecurity,” ayon naman kay Zenaida Soriano, national chairperson ng Amihan.

Mistulang may basbas din aniya si Marcos sa patuloy na pag-atake sa mga tagapaglikha ng pagkain dahil tuloy-tuloy ang militarisasyon sa mga kanayunan, pag-aresto, pagkawala ng mga tao, pagsasampa ng gawa-gawang kaso at higit sa lahat ay pagpatay.

Sinabi naman ng Pagkakaisa ng mga Biktima para sa Hustisya (Hustisya) na tahimik ng “anak ng dating diktador” sa extrajudicial killings noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kung saan nakapagtala anila ang KARAPATAn ng 422 extrajudicial killings sa hanay ng mga militanteng grupo bukod sa pinatay sa war on drugs.

Bukod sa mga pinatay noong Duterte administrasyon, 21 umano ang dinukot at nawawala hanggang ngayon, 233 ang tinorture, 645 ang inatake, 481,918 biktima ng force evacuation at 2,890,623 ang hinarass at binantaan.

“Hangga’t walang hustisya para sa mga biktima at walang napanagot sa tuloy-tuloy na paglabag sa karapatang pantao, ang ikalawang SONA ni Marcos Jr. ay isa lamang retoriko at pantasya,” ayon sa Hustisya.

156

Related posts

Leave a Comment