BENITEZ PINANGUNAHAN ANG LEGISHEAR SA VICTORIAS CITY

PINANGUNAHAN ni Assistant Majority Leader at Negros Occidental Third District Rep. Javier Miguel “Javi” L. Benitez ang pagdaraos ng LegisHear sa Victorias City noong Oktubre 2 at 3, na dinaluhan ng pinakamalaking delegasyon ng mga mambabatas sa naturang nationwide legislative consultation.

Mismong si House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang nanguna sa delegasyon, sa kanyang unang pagbabalik sa Negros Occidental matapos ang 47 taon.

Kasama ni Dy sina Senior Deputy Speaker Ferdinand “Dinand” Hernandez, Deputy Speakers Albee Benitez, Maria Rachel J. Arenas at Chedeng Alvarez, iba pang miyembro ng Kamara, at National Bureau of Investigation Director Melvin Matibag.

Sa town hall meeting sa Victorias City Coliseum noong Oktubre 2, iniharap ni Benitez sa tinatayang 5,000 residente mula sa limang lokal na pamahalaan sa Third District ang House Bill No. 9088 o ang TUBO Act, na kanyang iniakda.

Sa ilalim ng panukala, itataas mula ₱2 bilyon tungo sa ₱5 bilyon ang taunang pondo para sa sugar industry, magpapatupad ng 18-buwang moratorium sa commercial sugar importation at ibababa mula 30 ektarya tungo sa 10 ektarya ang minimum na sukat ng block farm upang mabuksan ang programa sa mas maliliit na magsasaka.

Iniharap din ni Atty. Rene A. Delorino, Director II ng House Committee on Ways and Means, ang House Bill No. 10678 na iniakda rin ni Benitez.

Layunin ng panukala na itaas mula ₱250,000 tungo sa ₱350,000 kada taon ang income tax exemption ceiling simula 2027.

Inilahad naman ng mga residente sa mga mambabatas ang kanilang mga pangamba at isyu kaugnay ng asukal, trabaho, kalusugan at edukasyon.

Samantala, 22 ahensya ng pamahalaan ang naghatid ng frontline services sa Victorias City National High School sa loob ng dalawang araw. Kabilang dito ang health services, civil registry at identification, social protection, agriculture, education at licensing.

Ang LegisHear ay isang nationwide legislative consultation at oversight initiative ng House of Representatives sa ilalim ng pamumuno ni Dy.

Ang LegisHear sa Victorias City ang ikalima sa naturang nationwide initiative, kasunod ng mga isinagawa sa Echague, Isabela; Butuan City; Dumaguete City; at Koronadal City, South Cotabato.

(PAOLO SANTOS)

69

Related posts

Leave a Comment