BENTAHE NG ISANG KAALYADO

WALANG bahid alinlangan, daig ng kapitalistang si Dennis Uy ang bagsik ng bagyong Odette na ­sumalanta sa maraming lalawigan kamakailan. Kung lakas din lang ang pag-uusapan, si Uy na marahil ang number one.

Bukod sa yamang kanyang tinamasa sa mga kabi-kabilang negosyong naipunla, pati asunto sa husgado, matik – burado. Katunayan, tuluyan nang ibinasura ang kasong smuggling na isinampa ng Department of Justice (DOJ) at Bureau of Customs (BOC) laban sa kilalang kaalyado at kaibigan ng Pangulo.

Sa 36-pahinang ­desisyon, tuluyan nang nakalusot ang negosyanteng si Dennis Uy kaugnay ng P5.9 bilyong smuggling case laban sa kanya, na tumatayong chief executive officer ng Phoenix Petroleum Philippines, at isang customs broker na nakilala sa pangalang Jorlan Cabanes na kapwa isinangkot sa iligal na pagpupuslit ng langis sa bansa.

Ayon sa Korte Suprema, walang ebidensyang direktang nagsasangkot kina Uy at Cabanes sa smuggling ng langis mula sa mga bansang Singapore, Taiwan at Thailand sa Davao at Batangas mula taong 2010 hanggang 2011.

Sa usapin ng yaman, hindi na siya basta-basta. Sa ­enerhiya, tubig, komunikasyon at transportasyon, lahat yan pasok si Uy. Hindi pa diyan natapos ang emperyo ni Uy. Hanggang sa Manila Bay reclamation, hindi siya nagpaiwan.

Hindi rin naman kasi naka­pagtatakang mamayagpag ang taong tumulong sa noo’y kandidato pa lamang para Pangulo. Sa datos ng Commission on Elections (Comelec), si Uy ay isa sa mga malaki ang ambag sa kampanya ng probinsyanong pulitiko.

Nang maupo si Digong sa Palasyo, bumulusok si Uy gamit ang impluwensyang sukli ng Pangulo sa suportang nakuha noong ito’y kandidato. Paniwala ng marami, ito rin ang dahilan kaya nagawa nitong makapangutang sa iba’t ibang bangko ng ­tumataginting na P16 ­bilyon gamit ang government ­guarantee bilang kolateral.

Sa ilalim ng government guarantee, ang gobyerno (gamit ang perang nalikom mula sa buwis) ang magbabayad sa pinagkakautangan ng kapitalistang kaibigan ng Pangulo – ‘yan naman ay sakaling talikuran ang pangakong pagbabayad sa kanyang mga inutangan.

Sa panunungkulan din ni Duterte ay nagawa ni Uy na makopo ang 90% controlling stake ng Malampaya power plant sa karagatang sakop ng Palawan. Pinamumunuan din ni Uy ang Dito

Telecommunity na pinaboran ng gobyernong noo’y naghahanap ng 3rd Telco laban sa mga oligarko sa likod ng Smart at Globe telecoms.

Sa kasong oil smuggling laban kay Uy, hindi nakapagtatakang katigan siya ng husgadong karamihan ay iniluklok ng kaibigan niyang Pangulo.

‘Yan ang bentahe ng isang Dennis Uy!

(Si Fernan Angeles ay ­editor-at-large ng SAKSI Ngayon)

129

Related posts

Leave a Comment