MANANATILING bukas sa mga residente ng lungsod ng Las Piñas ang kalsadang sakop ng isang private subdivision makaraang palawigin ng korte ang Temporary Restraining Order (TRO) para sa mga motoristang mayroong “friendship stickers” na batay sa ordinansa ng lungsod.
Ayon kay Sen. Cynthia Villar, pinalawig ng 20 araw (mula sa 72 oras) ng Las Pinas Regional Trial Court (RTC) ang pagpasok ng mga motorista sa Onelia Jose Street na nagdurugtong Zapote, Cavite Expressway sa kabila ng pagtutol ng bagong pamunuan ng BF Resort Village Homeowners Association, Inc. (BFRVHAI).
Ani Villar, nagtakda ang korte ng hanggang Oktubre 9 para pag-aralan ang mga ebidensyang inihain ng petitioners sa summary hearing nito lamang Setyembre 21.
Sa mga panahong umiiral ang TRO, nagtakda rin ang husgado ng pagdinig sa Setyembre 27, 28, 29 at 30 upang bigyang daan ang magkabilang panig na makapaghain ng kani-kanilang ebidensya bago pa man maglabas ng Writ of Preliminary Injunction.
Nag-ugat ang hidwaan sa pagitan ng bagong pamunuan ng BFRVHAI at mga motoristang suportado ng Las Pinas City government nang pagbawalan ng mga inatasang gwardya ang pagdaan sa kahabaan ng Onelia Jose St. patungo at mula sa Zapote River Drive at Cavitex ng mga motoristang may pahintulot sa mga dating nanungkulan sa homeowners association.
Nauna nang pinayagan ng Las Piñas LGU ang mga residente nito partikular ang mga friendship stickers holders dumaan sa mga private subdivisions na idineklarang Friendship Route sa ilalim isang ordinansang aprubado ng lokal na konseho.
Ang Friendship Route ay ginawa para makatulong sa hangaring paluwagin ang dalo ng trapiko sa kahabaan ng Alabang-Zapote Road at iba pang pangunahing lansangan sa siyudad. (DAVE MEDINA)
