BI BUGBOG NA SA PULITIKA

BISTADOR Ni RUDY SIM

TILA muling napulitika na naman ang Bureau of Immigration (BI), makaraang inihabol sa ilang araw na nalalabi sa termino ni Pangulong ­Rodrigo Duterte, na sampahan ng kasong graft ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan ang 43 tauhan ng ahensya kaugnay sa umano’y Pastillas scheme na isiniwalat sa Senado ng dalawang lumutang na whistleblower.

Matatandaaang nagkamali si PRRD sa kanyang pahayag ­kamakailan na sinibak na sa serbisyo ang mga nasangkot na nauna nang dumaan sa 6 months preventive suspension na agad na nilinaw ni Department Of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra na matapos ang suspension ng mga akusado ay muling ibinalik ang mga ito sa government service, ayon na rin sa legal na proseso ng batas hangga’t wala pang dismissal from the service ang mga ito o conviction mula sa court of law.

Agad naman itong ikinatuwa ni Senator Risa Hontiveros na siyang nagsiwalat ng umano’y katiwalian sa BI ngunit ito kaya ay masusing inimbestigahan kung lahat ba ng mga akusado ay mayroong kinalaman sa kaso at walang magiging sacrificial lamb?

Maganda ang hangarin ni Hontiveros na bantayan ang mapagsamantala sa pamahalaan ngunit hindi naman makatao na mayroong mga masisira ang pangalan at masisibak sa kanilang trabaho dahil lamang sa maling paratang na produkto ng isang maruming pulitika kaya’t nararapat lamang na pag-aralang maigi ang mga ebidensya at testimonya ng mga testigo.

Ang ilang kababaihan na iniharap kamakailan ni Hontiveros sa Senado na umano’y biktima ng human trafficking sa bansang Syria bakit tila naging tikom ang bibig ni BI Commissioner Jaime Morente na depensahan ang kanyang tahanan kahit alam nitong may katwiran ang ahensya na kaya pinayagan itong makaalis sa bansa ay dahil mayroon itong visa sa Dubai at wala na sa jurisdiction ng ating pamahalaan na sila’y bantayan sa ibang bansa kung saan ay lumipat ang mga ito sa Syria at doon nangyari ang masaklap nilang karanasan na isinisi naman sa BI.

Sa higit tatlong dekada ko na bilang isang mamamahayag sa BI ay una kong nasaksihang nasangkot ang ahensyang ito sa iligal na pagpapa-deport sa 11 Indians na nahuli ng NBI dahil sa paggawa ng iligal na droga na “Madrax” noong 1994. Kaarawan noon ng Commissioner na si Zafiro Respicio at habang mayroong maliit na handaan sa kanyang tanggapan ay dumalo ang isang mataas na opisyal ng pamahalaan na nagpapirma ng Self Deportation Order kahit may kinakaharap pang kaso ang mga dayuhan.

Hanggang sa sumabog ito at nakasuhan sina Respicio at Atty. Figueras ng NBI, ilang taon ding dininig ang kanilang kaso sa Sandiganbayan kahit giit nilang sila’y inosente at ang tunay na may sala ay lusot sa kaso at sa huli ay namatay ang dalawa dahil sa sama ng loob.

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

370

Related posts

Leave a Comment