HINDI pinilit ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na kainin ng 40 Immigration officers ang ibinigay niyang ‘pastillas’ na may laman na nakabilot na pera nang maka-face to face niya ang mga ito sa Malakanyang.
Ang 40 immigration officers ay dawit sa tinaguriang pastillas scheme sa Bureau of Immigration.
Sa katunayan, ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, kalmadong ipinag-utos ni Pangulong Duterte sa kanyang aide na bigyan ng tig-iisang “pastillas” na naglalaman ng pera ang bawat Immigration officer.
Iniutos din niya na kainin ng mga ito ang nasabing pastillas.
Wala namang ideya si Sec. Roque kung magkano ang pera na nakabilot at nagmukhang pastillas.
“Matapos po mabigyan ng tigi-tig-isang pastillas, ang sabi ng Presidente e kainin n’yo iyan dahil iyan po ay may pera,” ayon kay Sec. Roque.
“Pero hindi naman po nagpilit ang Presidente kasi nga po nandoon daw si Secretary of Justice Menardo Guevarra at ang sabi niya baka ako makasuhan,” dagdag na pahayag nito.
Aniya, wala ni isa man sa mga immigration officer ang nagbukas ng pastillas.
Araw ng Lunes nang ipatawag ni Pangulong Duterte sa Malakanyang ang 40 Immigration personnel, na pawang suspendido at ipaghaharap ng kaso dahil sa “pastillas” scam.
Sa ilalim ng ”pastillas” scheme, lahat ng Chinese nationals na hindi nag-avail ng visa upon arrival (VUA) system ay magbabayad ng P10,000 sa immigration para makapasok nang walang aberya sa bansa. Sa nasabing iskema, ang pera ay pumapasok sa airport saka ibinibigay sa immigration officers habang sa VUA transactions naman ay diretsong napupunta ang suhol sa main office kung saan inaaprubahan ang mga visa.
Nadiskubre ang ”pastillas” nang ibulgar ng whistleblower na kaya madaling nakapapasok sa bansa ang mga Chinese na nagtatrabaho sa Philippine Offshore and Gaming Operators (POGOs) ay dahil sa mga corrupt sa kanilang tanggapan. Nangyayari umano ang “pastillas”‘ modus sa NAIA Terminal 1 at 3.
Tinawag na “pastillas” ang modus ng mga corrupt na BI official dahil ang perang ipinangsusuhol sa kanila ay binibilot na hawig sa matamis na pampasalubong na pastillas candy.
Una nang itinuro ng whistleblower si dating BI Ports Operations Division (POD) Chief Red Mariñas na ringleader ng pastillas scheme.
Itinanggi naman ito ni Mariñas.
Samantala, itinanggi rin ni Sec. Roque na palabas lamang ang sinasabing pagbibigay ng pastillas ni Pangulong Duterte sa immigration officers at pag-utos na kainin ito.
“The President is sending a message: itigil ang corruption,” giit ni Sec. Roque. (CHRISTIAN DALE)
137 