FULL force ang Bureau of Immigration (BI) sa lahat ng paliparang internasyonal sa buong bansa ngayong Undas, dahil inaasahang libu-libong biyahero ang magtutungo sa iba’t ibang destinasyon upang samantalahin ang mahabang weekend.
Sinabi ng BI, inaasahan nilang dadagsa ang mga pasahero sa mga pangunahing paliparan simula Biyernes hanggang sa susunod na linggo kasunod ng pagdedeklara sa Oktubre 31 bilang special non-working holiday.
Tiniyak ng BI ang maayos na pagproseso ng dumarating at umaalis na mga pasahero.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, nagpadala na ang ahensya ng karagdagang mga tauhan at nagpatupad ng mga hakbang upang mapanatili ang maayos na daloy ng mga pasahero sa kabila ng inaasahang pagdami ng mga biyahero.
“Ang aming mga opisyal ay magtatrabaho nang round-the-clock upang tugunan ang dagsa ng mga pasahero ngayong Undas break,” ani Viado. “Pinapayuhan namin ang mga biyahero na dumating sa paliparan nang hindi bababa sa tatlong oras bago ang kanilang biyahe upang makaiwas sa pagkaantala.”
Pinaalalahanan din ni Viado ang publiko na asahan ang ilang pila sa mga immigration counters dahil sa dami ng pasahero, ngunit tiniyak niyang mananatiling maayos at mabilis ang proseso.
Dagdag pa niya, bagama’t may isinasagawang airport improvement works na maaaring bahagyang makaapekto sa galaw sa ilang terminal, magpapatuloy pa rin ang normal na operasyon.
“Mahigpit kaming nakikipag-ugnayan sa mga awtoridad ng paliparan upang matiyak na sa kabila ng mga konstruksyon at facility upgrades, tuloy-tuloy pa rin ang aming serbisyo,” sabi ni Viado.
“Humihiling kami ng pang-unawa at pasensya ng publiko dahil ang mga proyektong ito ay para mapabuti pa ang kabuuang karanasan ng mga pasahero sa paliparan.”
Hinikayat din ng BI ang mga biyahero na bisitahin ang Facebook.com/officialbureauofimmigration, kung saan regular na ina-upload ang mga update at larawan ng operasyon sa paliparan upang makatulong sa mga pasaherong gustong makita kung gaano ka-busy ang mga terminal bago sila pumunta.
(JOCELYN DOMENDEN)
20
